Una sa Balita

Mga Tulfo, anak ni Noli, PTV boss kakasuhan ng plunder — Trillanes

By ,
0 1,362

MAGSASAMPA ng ­kasong plunder si Senador Antonio Trillanes IV kaugnay sa P120 million Department of Tourism (DOT) ad scam.

Kabilang sa ipaghaharap umano ng kaso sina dating Tourism Secretary Wanda Teo-Tulfo at ang mga kapatid nitong sina Ben at Erwin.

Kasama rin sa sasampahan ng kaso ni Trillanes sina PTV4 president Dino Antonio Apolonio at ang anak ni dating Vice President Noli ‘Kabayan’ de Castro na si DOT Undersecretary Katherine de Castro dahil sa pakikipagsabwatan umano sa magkakapatid na Tulfo.

Ayon kay Trillanes, mas malinaw pa sa sikat ng araw na lahat ng elemento ng krimen na plunder ay ginawa ng magkakapatid at ng dalawang ahensiya.

Dagdag pa ng senador, kuwestiyunable ang paglalagay ng P120 milyong halaga ng advertisement sa programa sa PTV4 na ‘Kilos Pronto’ dahil mababa ang ratings nito.

Sa isinagawang pagdinig nitong Martes sa Senado, napaamin ng senador si Erwin Tulfo na nakinabang din ito sa P120 million ad placement ng DOT sa PTV4 dahil sumasahod ito sa programa ng P150,000 kada episode na pumapalo sa mahigit sa P3 milyon kada ­buwan.

Nangako ang senador na itutuloy ang pagsasampa ng kasong plunder anumang araw mula ­ngayon.