Una sa Balita

Mga traffic enforcer, street sweeper may 30 minutong heat stroke break

0 164

UPANG maibsan ang matinding init ngayong summer, bibigyan ng karagdagang 30 minutong ‘heat stroke break’ araw-araw ang mga traffic enforcer at street sweeper ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Kahapon ay nilagdaan ni MMDA Chairman Danilo Lim ang isang memorandum na muling nagpapatupad sa ‘heat stroke break’ policy para sa mga on-duty traffic enforcer at street sweeper.

Ito ay para maiwasan ang mga posibleng epekto ng matinding init gaya ng heat exhaustion, heat stroke, at heat cramps.

Ayon sa MMDA, sa mga traffic enforcer na naka-duty ng alas-singko nang umaga hanggang ala-1:00 nang hapon ang kanilang heat stroke break ay mula alas-10:00 hanggang alas-10:30 nang umaga o alas-10:30 hanggang alas- 11:00 nang umaga ang mga naka-duty, habang ala-1:00 nang hapon hanggang alas-9:00 nang gabi ay maaaring mag-break ng alas-2:30 hanggang alas-tres hanggang alas-3:30 nang hapon at ang mga naka-duty ng alas-2:00 hanggang alas-10:00 nang gabi ay may ‘heat stroke break’ mula alas-tres hanggang alas-3:30 nang hapon o kaya alas-3:30 hanggang alas-kuwatro nang hapon.

Sa ilalim ng polisiya, maaaring umalis ng puwesto at mag-break ang mga naka-duty na field personnel para makapagpahinga.

“Palitan at hindi sabay-sabay ang gagawing ‘heat stroke break’ ng ating mga field personnel para mapanatili ang visibility ng mga traffic enforcers at street sweepers at para na rin matiyak na hindi maaapektuhan ang field operations,” paliwanag ni Lim.

May karagdagan ding 15-minutong break time para sa mga MMDA field personnel sakaling umabot sa 40 degrees Celsius o mas mataas pa ang heat index sa Metro Manila.

Nag-umpisa ang heat stoke break nitong Abril at magtatapos sa Mayo 31. (Armida Rico)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy