Una sa Balita

Mga taxi driver ginatasan ng LTFRB

By , ,
0 367

PUMALAG ang ilang mambabatas sa dalawang kapulungan ng Kongreso laban sa diskarte ng Land Transportation Franchi­sing and Regulatory Board (LTFRB) na panggagatas diumano sa mga taxi dri­ver sa pagkakabit ng tablet, closed-circuit television (CCTV) at dash cam sa kanilang mga sasakyan.

Umaaray na kasi ang mga taxi operator at driver dahil pinagbaba­yad diumano ng P18,000 para sa isang tablet na may apps ng MyCab.

Tinatayang nasa 21,000 unit ng mga taxi ang nag-o-operate sa Metro Manila.

Bukod sa tablet, inoob­liga rin umano ang mga taxi na bumili ng CCTV kapag nagpa-calib­rate ng metro at maglagay din ng dash cam.

Binakbakan ni House Minority Leader at Quezon Rep. Danilo Suarez ang LTFRB at sinabing hindi dapat ipasa sa mga taxi operator at driver ang gastos para sa pagkakabit ng mga naturang gadget sa kanilang mga sasakyan.

“Hindi (dapat) pass on sa operator, sa gobyerno dapat. Hindi puwede ‘yun. Gobyerno ang nag-i-impose noon dapat sila ang sumagot,” komento ni Suarez sa panayam ng Abante kahapon.

Iginiit naman ni Buhay Party-list Rep. Lito Atienza na dagdag pahirap sa mga tsuper at ope­rator ang ideya ng LTFRB.

“Ang dami nilang mga hinihingi sa private sector eh. Ang kailangan dito ay magtrabaho ang gobyerno. Gawin muna nila ang kanilang trabaho bago nila i-require na naman ng (bagong) gastusin ang naghihirap na namumuhunan,” pagpupunto ni Atienza.

Dapat umanong una­hing ipatupad nang mabuti ng LTFRB ang kanilang mga regulas­yon at linisin ang ahensiya sa katiwalian.

“Magtrabaho muna sila at ipatupad ang rules covering operation of such businesses. Masyado silang maluwag eh…tumatanggap ng lagay ‘yung inspector… tapos ngayon sige maglagay ng ganito, maglagay ng ganyan, gastos na naman,” dagdag ni Atienza.

Kinuwestiyon din ni Ako Bicol Party-list Rep. Alfredo Garbin Jr. ang naturang hakbang ng LTFRB na hindi anya parte ng trabaho ng ahensiya na i-regulate ang mga taxi.

“That’s not part of their regulation. If it’s part of how they regulate taxi ope­rations, puwede ‘yun. Pero if you will compel taxi drivers to buy a tablet na magbe-benefit ‘yung isang negosyo, maling-mali yata ‘yun. That’s anomalous. So ‘yun ‘yung aking take du’n. We will call the attention of the Committee on Transportation and tatanungin ko whether there is such a regulation,” diin ni Garbin.

Maging si Senador Grace Poe ay nabibigatan sa kautusan ng LTFRB.

Sa naunang mga pagdinig ng Senate committee on public services na pinamumunuan ni Poe, napagsabihan na nito ang mga regular taxi na mag-upgrade para makasabay din sa galaw ng mga bagong riding vehicle.

Pero, sa ngayon, sinabi ni Poe na bagama’t hindi pa niya nababasa ang kautusan ng LTFRB aminado siyang posibleng hindi kayanin ng mga driver at operator ang pagbili ng mga naturang gadget.

“Bigyan mo ko ng pagkakataon na makuha ang order ng LTFRB. Tingnan natin pero kung P18,000 per taxi unit parang mas­yado naman yatang mabigat ‘yun,” sabi ni Poe.

Binigyang-diin ni Poe na ang anumang pagbabago para sa pampasaherong sasakyan ay dapat maging balanse, para sa kapakanan ng mga pasahero at maging ng mga driver at operator.

Sa nakalap na impormasyon ng Abante sa ilang taxi driver, inoobliga ngayon ng LTFRB ang mga operator na magkabit ng tablet sa bawat unit ng taxi. Ang bawat tablet ay nagkakahalaga ng P18K.

Bago umano i-calib­rate ang metro ay kaila­ngang magbayad ng down na P1,800 sa kada unit ng taxi. Ang balanse sa P18K ay huhulugan ng tig-P500 kada buwan sa loob ng tatlong taon.

Hiningan ng reaksiyon ang LTFRB hinggil sa isyung ito pero nabigo ang Abante na makakuha ng komento mula sa ahensiya.