Una sa Balita

Mga sugapa sa pork huhubaran

0 392

IBIBILAD ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson ang pangalan ng mga kongresistang nakakuha ng malalaking pork barrel fund sa ilalim ng panukalang P4.1 trilyong national budget para sa 2020.

Sinabi ni Lacson na isisiwalat niya ang pa­ngalan ng mga ito sa budget debate ng panukalang budget.

“May nakita na nga ako roon ayoko magbanggit ng mga distrito. Pero may mga malalaking budget na nakalagak sa kanya-kanyang distrito. Hindi makakaisa yan kasi papel yan, nakasulat yan. Maski sabihin nila walang pork, kita ko na anong distrito ang lalaki.” saad ng senador.

“Pag interpellate ako mababanggit ko, PowerPoint ko pa. Sa distrito may P300M, may lugar na P500M,” dagdag ni Lacson.

Inamin na ni House Speaker Alan Peter ­Cayetano na mabibigyan ng tig-P500 milyong proyekto ang bawat congressional district subalit itinanggi nitong pork barrel fund ang mga ito.

Sinabi naman ni Lacson na maituturing pa rin itong pork dahil sa naka-park ang pondo sa mga ahensiya ng gobyerno tulad ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Noong 17th Congress, isiniwalat din ni Lacson ang pangalan ng mga kongresistang nakatanggap ng malaking pork barrel fund sa ilalim ng 2019 national budget.

Ang pagsisiwalat ni Lacson ay nagresulta sa giyera ng Kamara at Senado at pagkabitin ng pagpapatibay ng panukalang budget. Noong Abril na pinirmahan ni Pangulong Duterte ang 2019 budget kung saan tinapyas ang P95 bilyong pork, P75 dito ay pinasok ng mga kongresista.

Tiniyak naman ni Lacson na muling haharangin ng Senado ang mga isisingit na pork ng Kamara pero pipilitin nilang hindi na maulit ang reenacted budget dahil sa epekto nito sa ekononiya.

“May impact talaga yan sa ekonomiya kasi GDP mag-suffer. Govern­ment spending nabawasan ng ilang buwan. Ayaw natin na ang Kongreso o Senado o House of Representatives masisi­ ‘pag nagkaroon na naman ng reenacted budget.­ So pipilitin natin mai-enroll ang bill. Kung insist nila, susulatan namin si President Duterte uli. Yan ang gagawin namin. Sa Senate nagkakaisa kami, majority minority, pagdating sa ganyang mga issue.” dagdag ng senador.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy