Una sa Balita

Mga SK treasurer, secretary dapat may honorarium – Salceda

0 399

PROBLEMA ang sasalubong sa bagong halal na mga Sangguniang Kabataan (SK) tserman na uupo sa puwesto nila ngayong Hulyo. Maaa­ring mahirapan na naman sila sa paghirang ng mga kalihim at ingat-yaman ng mga SK na hindi naman sinusuwelduhan.

Sa ilalim ng RA 10742, inoobliga ang mga SK chairperson na humirang ng mga kalihim at ingat-yaman mula sa mga kagawad at kasapi nila. Mahalaga ang mga tungkulin at responsibilidad ng dalawang puwesto para sa mahusay na pamamahala ng SK ngunit walang itinatalagang suweldo sa mga ito.

Kaugnay nito ay inihain sa Kongreso ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda ang Joint House Resolution 23 na nag­lalayong magtalaga ng kaukulang ‘honorarium’ o bayad sa serbisyo ng mga ‘SK treasurer at secretary’ sa bansa.

Sa kanyang resolus­yon, ipinanukala ni Salceda na ang honora­rium ng naturang mga hirang na opisyal ng SK ay dapat katumbas ng 60% ng honorarium ng SK chairman. Ang halaga ay kukunin sa pondo ng barangay na ang 10% ay nakalaan para sa mga ‘development purpose’ o pangkaunlarang mga pagkakagastahan.

“Kailangan ito dahil napakahalaga ng mga tungkulin ng mga ‘SK secretary and treasurer’, na malaki ang ambag sa pangkalahatang ‘performance’ ng SK,” paliwa­nag ni Salceda.

Ang hahawak sa da­lawang puwesto ay dapat may 18 hanggang 24 taong gulang gaya ng itinalaga para sa SK chairman at mga kagawad, paliwanag niya. Ang SK ay para sa kabataang may 15 hanggang 30 taong gulang.

Nitong nakaraang Mayo, inihain din ni Salceda sa Kongreso ang House Bill 7719 na nag­lalayong pagkalooban ng Barangay Official Eli­gibility (BOE) ang mga halal at hirang na opis­yal ng barangay at SK pagkatapos ng kanilang isang terminong pa­nunungkulan.