Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Mga sigang kandidato ibasura sa halalan

0 188

Napakaraming kandidato ngayon ang pasaway sa pagsasagawa ng kampanya.

Pero pinakamarami sa kanila ay mga lokal na kandidato na hindi kinikilala ang ipinaiiral na regulasyon ng ilang ahensya ng gobyerno.

Bago ikasa ang local campaign ay nauna nang inanunsyo ng MMDA na bawal magdaos ng motorcade sa mga national road dahil nakakadagdag ito sa malaking problema natin sa daloy ng trapiko.

Sabi rin ng DILG ay bawal ang paggamit ng mga resources ng gobyerno sa kampanya ng mga nakaupong opisyal ng pamahalaan.

Bawal rin ayon sa Comelec ang mamigay ng pera o anumang bagay sa panahon ng kampanya.

Ilan lamang iyan sa madalas abusuhin ng mga politikong kandidato pero nakakalungkot na sa tatlong iyan lamang ay lantaran na ang paglabag ng maraming kandidato.

Katulad na lamang ng isang insidente sa Quezon City noong unang araw ng kampanya ng mga local na kandidato.

Kumalat sa social media ang pagdaos ng proclamation rally ng isang grupo ng mga kandidato sa isang bahagi ng Commonwealth Avenue. Maraming motorista ang nanggigil dahil naabala sila bukod pa nagastusan sila ng malaki dahil nakakunsumo sila ng marami-raming gasolina dahil sa pagkakababad sa trapiko.

Isang insidente lamang ito ng kawalan ng malasakit ng politiko sa kapwa tao. Huwag na nating sabihing nasasakupan lamang dahil hindi lang naman taga-QC ang apektado sa pagsasara nila ng kalsada kundi maging mga motoristang taga-Bulacan.

Kung ganitong klaseng politiko ang inyong iluluklok sa puwesto anong kabutihan pa ang hihintayin nating gawin nila.

Hindi ba’t wala na kundi ang patuloy na pagsiksik sa kukote nila na sila ay nasa kapangyarihan kaya walang makakabali sa anumang kagustuhan nila.

Kaya sa mga kandidatong may ganitong asal, huwag na natin silang hayaang manatili sa kapangyarihan dahil hindi natin alam kung anong klaseng pag-abuso pa sa kapangyarihan ang kanilang gagawin.

***

Isama na rin natin sa mga dapat ibasura sa halalan ay mga nakaupong politiko na hindi marunong pumatas sa halalan.

Maraming nakaupo ngayon ang naghahari-harian sa kani-kanilang mga nasasakupan.

Masyadong mahigpit sa pagbibigay permiso sa kalaban para mangampanya dahil sa takot na matalbugan.

Hindi dapat ganyan, maging parehas dapat lahat ng kandidato ibigay sa kalabang ang prebilihiyong inyong tinatamasa para makita ng taumbayan na patas kayo.

Kapag nakita namang hindi kayo namemersonal sa laban, aba’y baka naman maikunsidera pa kayo sa posisyong inyong pinupuntirya kapag nakitaan talaga kayo ng karapatang maging matinong lider.

Leave A Reply

Your email address will not be published.