Una sa Balita

Mga shopper sa sosyal na mall ingat sa sindikatong disguised mayaman

By
0 657

Alam niyo bang may gumagalang sindikato ng matitinik na salisi na ala-pelikulang ‘Ocean’s 8’ na tuma­ngay ng malaking pera ng casino, pero itong lokal na bersyon ay cellphone, wallet at iba pang valuable ng mga shopper sa mga sosyal na mall ang puntirya.

Umatake kamakailan ang sindikato sa Rockwell Power Plant mall at Edsa Shangri-La mall at nadale ang mga cellphone ni Undersec. Isidro Albano at mga TV host Lyn Ching at Iya Villania.

Dalawang mamaha­ling cellphone ni Usec. at isang sossy phone ni Lyn Ching ang nata­ngay ng mga sindikato sa Rockwell Power Plant mall at isang mamaha­ling phone naman na nasa stroller ng baby ni Iya Villania sa Toys R’ Us sa Edsa Shangri-La ang nadukot.

Mabuti na lang at nakuhanan ng CCTV camera footage ng mall ang buong pangyayari at nalantad ang pagmumukha ng mga tirador na ang galing su­mimple at magpasahan ng kanilang dinukot.

Style ng mga loko, ‘pag dudukutin na ang cellphone o wallet sa bag ng biktima ay tatakpan nila ang kanilang kamay ng damit na kunwaring bibilhin at ito ang ‘co­ver‘ ng mabilis na kilos ng kanilang kamay, at ‘pag nakuha na ang puntirya ay pagpapasa-pasahan na ito ng iba pang kasabwat. Ang titinik nyo ate!

Nakita sa CCTV foo­tage na medyo sossy ang dating at pananamit ng mga ate gamit ang mga signature bag para siguro mag-‘blend‘ sa crowd sa mga sosyal na mall kung saan sila nambibiktima.

Pati mga tirador ay nag-level up na rin talaga. Kaya mga pare ko at mare, ‘pag may panay ang dikit sa iyo sa mall o saan mang mataong lugar ay listo ka at layo na agad dahil baka puntirya ka na ng sindikato ng matitinik na salisi.