Una sa Balita

Mga senador pumalag sa ATM fee increase

0 189

PINALAGAN ng mga senador ang plano ng mga bangko na itaas ang tran­saction fee sa mga automa­ted teller machine (ATM) na posibleng makaapek­to sa tinatayang 58 mil­yong Pinoy cardholder na karamihan ay mga ordinaryong manggagawa sa pribado at public sector.

Ayon kay Senador Nancy Binay, hindi na nga umano makaipon ang tao dahil sa kakarampot na sahod at ngayon ay babawasan pa ang konti nilang ipon sa kanilang ATM savings account.

“Konting konsiderasyon naman sana… How can we encourage people to save, and trust the banking system, if we keep on charging fees for transactions that should be, in the first place, part of the banks’ services?” sabi ni Binay sa kanyang text message sa Abante.

“Ano ang punto ng pagdedeposito sa bangko kung babawasan lagi ang iniimpok mo?” saad pa nito.

Binanggit naman ni Senador Manuel ‘Lito’ Lapid na panibagong dagdag-pasanin sa mga manggagawa ang plano ng mga bangko.

“Huwag na sana nating dagdagan pa ang pasanin ng ating mga kababayan, lalo na ng mga manggagawa na kakarampot na nga ang kinikita ay mababawasan pa,” sabi ni Lapid.

Hiniling din ni Lapid sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na pag-aralang mabuti ang usaping ito at isaalang-alang nila ang kapakanan ng mga mamamayan na pinakaapektado ng dagdag-bayarin na ito.

“Paano pa natin mahihikayat ang mas maraming Pilipino na maglagak ng kanilang pera sa bangko kung patuloy nating tataasan ang bayad sa simpleng pagwi-withdraw ng kanilang pera sa bangko?” katuwiran pa ni Lapid.

Sinabi naman ni Senador Francis Pangilinan na dapat magpaliwanag ang mga bangko kung naging basehan nila sa planong pagtaas sa transaksyon sa kanilang mga ATM.

Naunang nang naghain si Pangilinan ng Senate Bill 635 na naglalayong i-regu­late ang sinisingil sa mga consumer tuwing gagamit ng ATM.

Sabi ni Pangilinan, layunin ng panukala na ma­bigyan ng proteksiyon ang mga ATM cardholder mula sa mga nakatago, surprise at unreasonable fees.

Makakatulong din ani­ya ito para limitahan ang kaltas sa ATM at matiyak na isang fee lamang ang babayaran ng cardholders sa mga interbank transaction at huwag lumampas ang additional fee sa 1% ng kabuuang transaksiyon.

Nilinaw naman ni Banker­s Association of the Philippines managing director Benjamin Castillo sa isang statement na hindi agad makapagtataas ng ATM fee ang mga bangko.

Sabi ni Castillo, kaila­ngan munang dumulog ang mga bangko sa BSP kung magtataas sila ng fees at kailangan munang aprubahan ito ng BSP bago maipatupad.

“Banks—commercial, thrift and rural, with ATMs-cannot unilaterally adjust ATM fees as each bank will have to secure prior BSP approval to do so,” sabi ni Castillo.

Pinangangambahang tumaas sa P30 ang dating P10-P15 fee sa bawat interbank withdrawal sa ATM kapag inaprubahan ito ng BSP.

(Dindo Matining/Eileen Mencias)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy