Una sa Balita

Mga senador agawan ng kredito sa suspensyon ng buwis sa langis

By
0 405

TILA nag-aagawan ng kredito ang mayorya at minorya ng Senado sa desisyon ng Malacañang na suspendehin ang excise tax sa mga produktong petrolyo sa susunod na taon.

Sa pahayag ng majority bloc sa ­pa­ngunguna ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III, ang kanilang sulat na ­ipinarating sa Malacañang noong ­Oktubre 9 ang isa sa dahilan ng desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“That is the reason PRRD decided to suspend excise tax,” sabi ni Sotto.

Sinabi naman ni Senate Majority Leader Migz Zubiri na sa kanilang emergency meeting kay Pangulong Duterte noong Oktubre 8 ay nata­lakay ang suspensyon ng 2nd tranche ng excise tax.

Pero iginiit naman ni Senador Bam Aquino na maituturing na panalo ng boses ng oposisyon ang desisyon ng Pangulo.

“Panalo ang pamilyang Pilipino sa pagsuspende ng dagdag-buwis sa gasolina, diesel at iba pang produktong petrolyo sa Enero,” sabi ni ­Aquino.

“Patunay din ito sa halaga ng pagkakaroon ng magkakaibang boses sa gobyerno – pati na ang minorya o oposisyon. Mahalagang pakinggan ang iba’t ibang panig na mayroong solusyon sa problema ng bayan,” diin ng senador.

Tinukoy ni Aquino ang inihaing joint resolution ng minority bloc sa Senado na nananawagan para sa suspensyon ng excise tax at pagbawi sa ipinataw na dagdag na buwis ­ngayong taon sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.