Una sa Balita

Mga SBP official madaldal, coach Yeng walang yabang

By
0 830

AGOSTO 21, 1983 nang barilin si Ninoy Aquino, Jr. sa tarmac ng Manila International­ Airport na bumago sa political landscape sa Pilipinas.

Ang asasinasyon kay Ninoy ang nagsilbing inspirasyon ng mga mamayan na ipaglaban ang nawalang demokrasya sa rehimen ng noo’y President ­Ferdinand Marcos.

Ito rin ang nagbunsod sa bloodless People­ Power Revolution noong 1986.

Sa August 21, 2018, haharapin ng Fil-Am led Jordan Clarkson-Gilas Pilipinas at coach Yeng Guiao ang China sa basketball competition sa idinaraos na Asian Games sa ­Indonesia.

Ang laban ang sinasabi ng ilang eksperto sa basketball na susukat sa hinaharap ng koponan na singbilis ng kisapmata na binuo pero puno ng tibay ng damdamin at isip na igigiya ni coach Yeng.

Sakaling malusutan ang China sa  Aug. 21, walang dudang mababago rin nito ang basketball landscape ng Pilipinas dahil mag-iiba ang pananaw ng SBP kung paano ide-deve­lop ang larong kinahuhumalingan nating mga Filipino.

Nagbunyi ang madlang Filipino nito lamang nakalipas na Aug.16 nang durugin at siklutin ng Team Philippines ang Kazakhastan, 96-59, at itala ang unang panalo sa basketball competition, dalawang araw bago opisyal na simulan ang hostilidad sa ­quadrennial meet.

Umani ng papuri si Guiao at ang kanyang mga player, pero wala kang narinig na anumang pagyayabang sa coach ng NLEX.

Ang sinabi lamang niya matapos ang laro ay “everything just fell into place despite a mere 10-day preparation.”

Ang madaldal ay ang mga opisyal ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na noong una’y umatras sa paglahok pero nagbago ng isip dahil na rin sa  kaliwa’t kanang batikos mula sa mga netizen. Salamat din ng malaki sa PBA dahil pinayagan nitong ipahiram ang RoS sa SBP.

Wala si Clarkson ng Cleveland nang tambakan ng ‘Pinas ang Kazahks dahil nanggaling pa siya sa mahabang biyahe mula sa Los Angeles.

Ngayon at may Clarkson, lalo pang na-inspire hindi lamang si coach Yeng kundi ang mga player lalo na sa nalalapit na pakikipagsagupa sa China.

Hindi rin tinanggap ni coach Yeng ang  papuri sa kanya dahil sa maganda nilang performance kontra sa Kazahkstan at sa halip ay ibinigay niya ang papuri sa kanyang coaching staff na binubuo nina Caloy Garcia, Ryan Gregorio at Ford Arao. Sila raw ang nag-scout sa kalaban.

‘Yan si coach Yeng, walang arte, walang kuskos balungos, ­trabaho lang.