Una sa Balita

Mga regional wage board pinag-uulat sa umento

By
0 157

AALAMIN ng Malacañang sa mga regional wage board kung ilan na sa mga ito ang nag-utos ng dagdag sahod para sa mga manggagawa sa pribadong sektor.

Sa harap na rin ito ng hinaing ng mga obrero sa mababang sahod gayong panay-panay ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin bukod pa sa mataas na nararanasang inflation.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, sa pagkakaalam niya ay nag-utos na ng umento sa sahod ang ilang regional wage board subalit hindi niya sigurado kung lahat ng mga ito ay nagawa na ang trabaho.

“Iyong mga wage boards nag-order na ng increase. Halos marami na but I will find out kung ilan na talaga sa mga regional wage boards ang nag-order ng increase. Pero ang alam ko po marami na ang nagkaroon ng order of increase,” ani Roque.

Nagrereklamo ang karamihan sa mga labor group sa patuloy na pagtaas ng presyo ng karne, gulay, asukal at iba pang pangunahing bilihin sa kabila ng mahigpit na pagbabantay ng Department of Trade and Industry at ang pagpapatupad ng suggested retail price (SRP) sa ilang produkto.

Sinabi ni Roque na hinahanapan ng solus­yon ng gobyerno ang problema sa mataas na presyo ng pagkain at mga pang-araw-araw na pangangailangan.

Binabalanse rin aniya ang mungkahing babaan ng taripa ang mga imported na pagkain dahil tiyak na aalma ang mga magsasaka na maaapek­tuhan ang presyuhan sa kanilang mga produktong agrikultural.