Una sa Balita

Mga pulitiko lang ang makikinabang sa federalism

By
0 1,005

Pursigido ang mga kaalyado ng Duterte administration sa pa­ngunguna nina House Speaker Pantaleon Alvarez at Senate Presi­dent Koko Pimentel na isulong ang pagpapalit ng sistema ng ating gobyerno tungo sa federalism.

Pero malinaw na ang pangunahing makikinabang lang dito sa pagbabago ng sistema ng gobyerno at ang mga pulitiko.

Mismong si Pimen­tel ay nagkumpirma na maaring makinabang mismo si Pangulong Duterte at mapalawig pa ang termino nito lampas sa pagtatapos ng termino sa taong 2022.

Ayon naman kay Alvarez ay maaring hindi na matuloy ang pagdadaos ng eleksyon sa 2019.

Ang ibig sabihin nito ay kung walang eleksyon sa 2019 ay mananatili sa puwesto ang mga kasalukuyang senador, kongresista at lahat ng lokal na opisyal.

Samakatwid ay sila ang lubos na makikinabang sa pagsusulong ng fe­deralism at ang pagpapalawig sa termino ng mga pulitiko sa bansa.

Nakakadismaya na ngayon pa lamang ay ang usapin na sa term extension ang lumulutang na pakinabang ng mga pulitiko sa halip na kabutihan ng mamamayan.

Kung talagang nais natin na magbago ang pamumuhay ng mga Filipino ay hindi ang sistema ng gobyerno ang baguhin,­ dapat na baguhin ay ang mga namama­lakad sa gobyerno.

Isang halimbawa na lang sa isang probinsya o siyudad na isang pa­milya lang ang may kontrol o mayroong dynasty na mas makikinabang ang mga ito sa federa­lism kaysa sa taumbayan.

Sa kasalukuyang konstitusyon ay nakasaad dito ay ang 3 uri ng pagbabago sa saligang batas ay una, ito ay sa pamamagitan ng people’s initiative o 10 porsiyento lang ng berepikadong pirma ng mga botante sa bawat distrito sa buong bansa, pangalawa ay ang constitutional convention para maghalal na babalangkas sa amyen­dahan at ang ikatlo ay ang constituent assembly na ang mga mamba­batas natin ang bahala na magretoke o mamahala sa amyenda.

Ang Constituent Assembly ang gusto nga­yon ng mga mambabatas at sila na ang bahala ng bumalangkas at tapos nito ay ihaharap sa isang plebisito para sa pag-apruba ng taumbayan.

Kung ang mga mambabatas ang siyang mag-amyenda sa ating saligang batas ay asahan natin na may mga probisyon dito ay sila ang unang makikinabang tulad na lang sa term extension.

Kaya naman nga­yon pa lamang ay matalino nang mag-isip ng mabuti ang mga Fi­lipino kung papayag­ ba tayong ilagay sa balikat ng mga mam­babatas ang ating kapalaran na pina­ngangambahang lalo lang tayo malugmok sa dusa at kahirapan.