Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Mga pulis na karapat-dapat

0 16

Kung dapat nating bigyan ng pansin ang mga pulis na gumagawa ng masama para mabigyan ng leksyon at hindi pamarisan ng iba, dapat din nating bigyan ng pagkilala at papuri ang mga kabaro nilang gumagawa ng kabutihan at nagiging mabuting halimbawa sa buong kapulisan.

Lagi nating naririnig ang terminong “above and beyond the call of duty” lalo na sa mga uniformed personnel tulad ng Philippine National Police (PNP). Maraming insidenteng gumagawa ng mga pagsasakripisyo ang mga pulis pero madalas ay hindi na natin ito napapansin dahil nakatutok ang mata ng lahat sa mga mali.

Pero hindi pinapalagpas ni PNP Chief PGen Guillermo Eleazar ang mga mabubuting nagagawang ito ng ating kapulisan at kadalasan ay personal niyang pinupuntahan ang mga pulis na nakakagawa ng kabutihan para bigyan sila ng parangal kahit gaano pa kalayo. Bilang isang tunay na lider, ang masasamang pulis ay hindi pinapalagpas ni PGen Eleazar pero ganun din naman ang kanyang ginagawa sa mga katangi-tanging pulis. Ipinapakita niya na sa ilalim ng kanyang liderato ay umiiral ang sistemang “reward the good, punish the bad.”

Sa pagkakataong ito, bigyan natin ng espasyo ang mga kapuri-puring ginawa ng ilan nating pulis: pauwi na ng kanyang bahay si PCpl April Teodoro ng NCRPO Tactical Operation Center nang madaanan ang isang siklistang bumagsak at sugatan. Hindi nagdalawang-isip si PCpl Teodoro, agad kinuha ang kanyang first aid kit at ginamot ang siklista.

Sina Pat Fulgencio; Pat Rioflorido; Pat Telewik, Duty Train Marshall ng 4th Mobile Force Company, RMFB ng NCRPO na tumulong sa isang matandang babae na nakita nilang umaakyat sa LRT Line 1 Balintawak Station habang buhat-buhat ang kanyang bisikleta. Binuhat ng mga pulis ang bisikleta ng babae at inihanap pa nila ito ng bakanteng upuan sa tren para maayos na makapuwesto katabi ng kanyang bisikleta.

Sa Burgos, Ilocos Sur, tumulong naman ang mga pulis sa pangunguna ni PLT Col Jason Nadarisay, Force Commander ng 1st ISPMFC sa PRO1 sa pagtatayo ng water supply system para sa mga residente ng Barangay Bessang. Ang proyekto ay kabilang sa programang “Patubig ng Pulis.”

Related Posts
SM SuperKidsDay Banner Ad

Sa Baybay City, Leyte, nag-donate ng sariling dugo sa isang babaeng kapapanganak pa lamang ang police trainee na si Pat Raymar Casiano ng Baybay CPS sa PRO8 habang sa Northern Samar, tinulungan naman ng First Northern Samar Police Mobile Force Company ang United Riders of the Philippines 2019 para maipagtayo ng bahay ang dalawang homeless senior citizens na sina Lola Virginia Jarito at Lolo Dominador Jarito.

Naging viral din ang pag-aktong baby sitter nina Corporal Ghrills Linnum at Patrolman Aileen De Los Reyes ng Mankayan Municipal Police Station and the Women and Children’s Protection Desk na inalagaan muna ang sanggol ng isang ina habang nagrereklamo ito sa kanilang himpilan. Habang si M/Sgt. Catherine Surban naman mula Virac, Catanduanes ay nagpadede pa ng isang sanggol. Ang naturang baby ay inabandona ng ina kaya dumulog ang tatay nito sa police station.

Si Corporal Aimarie Boadilla ng Camdas Police Station sa Baguio ay nagdo-donate naman ng kanyang breast milk sa mga nangangailangang sanggol habang sa Mountain Province ay nagpakita rin ng kabayanihan ang mga tauhan ng Nantonin Police nang gumawa sila ng stretcher gamit ang kumot para ibaba sa bayan at isugod sa ospital ang isang buntis.

Marami pang pulis na nakakagawa ng mumunting pagtulong sa ating mga kababayan tulad ng pagbibigay ng face mask sa halip na pagmultahin ang mga nahuhuling lumalabas ng bahay na hindi naka-face mask, ang simpleng pagtulong sa pagtawid sa kalsada, pagbibigay ng pagkain sa mga nagugutom, pagtulong sa mga matanda at bata at marami pang iba.

“Ang tunay na pulis, hindi namimili ng oras o lugar kung kailan, saan at paano siya makatutulong… Ang ipinakita nila ay halimbawa na ang pulis na tapat sa kanyang sinumpaang tungkulin ay kailanman hindi magdadalawang-isip tumulong sa kapwa sa abot ng kanyang kakayahan,” pahayag pa ng PNP chief.

Tama si PGen Eleazar, ang tunay na pulis ay hindi namimili ng oras at lugar sa pagtulong. At masarap sa pakiramdam na malaman na marami pa rin tayong pulis na tunay na nagseserbisyo sa bayan. Salamat sa mga pulis na ito at higit sa lahat, salamat sa lider ng ating kapulisan sa ngayon – si PGen Eleazar na determinadong linisin ang kapulisan at itira ang mga pulis na karapat-dapat. Sa pagtitimon ni PGen Eleazar, tiwala kaming darami pa ang mga pulis na tunay na nababagay sa kanilang suot na uniporme.

Leave A Reply

Your email address will not be published.