Una sa Balita

Mga Pranses nagbunyi sa World Cup

KAMPEON!

By
0 1,800

WALANG nakapigil sa France para umpisahan ang selebrasyon matapos kalusin ang Croatia, 4-2, para itaas ang 2018 World Cup championship trophy sa Moscow Linggo ng gabi.

Walang nakahadlang, kahit ang protesta ng punk group Pussy Riot, o ang malakas na ulan na bumasa pati kay Russian President Vladimir Putin.

Sumugod sa locker room pati si French President Emmanuel Macron para i-congra­tulate ang players. Ang post-match news conference ni coach Didier Deschamps, maya’t mayang natitigil dahil sa shower ng champagne.

“Sorry! They’re young and they’re ­happy,” paghingi ng paumanhin ni Deschamps para sa kanyang players.

Mga bata nga ang Les Bleus, karamihan ay 25 years old o mas bata pa. Ang star na si Kylian Mbappe ay 19 lang.

Ibinaon ni Mbappe ang right-footed shot mula 25 yards paalpas kay goalkeeper Daniel Subasic sa 59th mi­nute at lumamang ang France, 4-1, na tuluyang nagpalupaypay sa tangkang balik ng Croatia.

Tanging teenager na umiskor sa World Cup final ay si Pele, 17 lang nang talunin ng Brazil ang Sweden, 5-2, noong 1958.

Umiskor din sina Paul Pogba at Antoine Griezmann para sa Les Bleus.

Nagbaon ng isa si Griezmann mula penalty spot sa 38th, apat na minuto matapos salagin ang kanyang corner kick ng kamay ni Ivan Perisic.

Pagkatapos ng video review ay dinesisyunan ng referee ang play ­bilang handball.

Kinuha ng France ang lead sa 18th sa tulong ng own goal ni Mario Mandzukic. Umangat ang 6-foot-3 forward ng Croatia na si Mandzukic para salagin ng ulo ang free kick ni Griezmann, pero tumalbog papasok ng net ang bola, paalpas sa goalkeeper ng Croatia.

Sina Perisic at Mand­zukic ang umiskor sa Croatia, una ang panabla sa 28th bago ang konsolasyong pangalawa sa 69th.