Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Mga poll watcher nilantad iregularidad sa halalan

0 107

Isang linggo matapos ang eleksiyon, inakusahan ng mga poll watcher ang mga miyembro ng 103rd Infantrcy Brigade ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ng pang-aabuso matapos makipag-agawan ang mga ito sa kanila ng binabantayan nilang balota sa Lumbatan, Lanao del Sur sa araw ng halalan noong Mayo 9.

Sa isang press conference kahapon sa Quezon City, iprinisinta ng mga poll watcher na sina Aliah Macabangkit, Sharon Umpara, Jahanisa Umpara, Jalpha Umpara, Rajib Mua at Mohammad Omar ang video kung saan makikita ang umano’y pang-aagaw ng mga sundalo ng balota, pagpaputok ng baril at ilang beses na pagdunggol ng sasakyan sa lala­king pumipigil na huwag makuha ang balota.

Bukod sa pang-aagaw sa mga balota, kinuwestiyon din nila ang zero vote ng kumandidato sa pagka-alkalde na si Lominog Lao Jr. sa mismong presinto kung saan sila bumoboto ng kanilang pamilya.

Dahil dito, nakatakdang magsampa ng petition for the annulment of election result sa anim na apektadong barangay sa Commission on Elections (Comelec) ang abogado ni Lao Jr. na si Atty. Bayan Lao para ipawalang-saysay ang resulta ng halalan dito dahil sa umano’y malawakang dayaan.

Kabilang sa mga barangay na ito ang Pikutahan, Minunya, Tambac, Lunay, Ligue at Magdata. Kalaban ni Lao Jr. ang pinsan niya na si incumbent Mayor Allan Lao sa bayan ng Lumbatan na mayroong 21 barangay at tinatayang 14,000 botante.

Kinuwestiyon din ni Lao Jr. ang pagpayag ng Comelec na patakbuhin ang anak ni Mayor Allan Lao na si Aljayeed Lao sa pagkabise-alkalde kahit 19-anyos pa lang ito. Iprinoklama sa kanyang ta­hanan si Mayor Allan Lao noong Mayo 11. (Dolly Dolorez)

Leave A Reply

Your email address will not be published.