Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Mga politiko nirendahan sa rally

0 158

Pinagsabihan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang lahat ng mga kandidato at kanilang partido gayundin ang mga tagasuporta na itigil ang pagsasagawa ng mga political rally.

Ito’y sa harap ng banta ng bagong COVID-19 variant na Omicron at binigyang-diin ng kalihim na hindi pa panahon ngayon ng pangangampanya para sa halalan sa 2022.

“Bawal pa po ang mga political rally. Hindi pa po campaign period. We have been seeing candidates, both national and local, staging political rallies here and there which gather hundreds if not thousands of people. Hindi pa po tapos ang pandemya. Parating pa ang Omicron variant,” panawagan ni Año sa mga politiko.

Hindi aniya puwedeng maging kampante na lalo pa at nakarating na sa ibang bansa ang Omicron variant at maaaring umabot na rin ito sa Pilipinas.

Subalit nilinaw din ni Año na pinapayagan naman ang mga “special gathering” basta may permiso ng local government unit kung saan gaganapin ito basta patuloy na ipatupad ang minimum public health standard kontra COVID.

Aniya, pinapayagan lamang ang mga caravan at motorcade dahil may physical distancing at limitado ang oras nito bukod pa sa isinagawa naman sa mga open area kung saan maliit ang posibilidad na magkahawaan ng virus.

“Nakamonitor ang mga kapulisan sa mga caravan or motorcade at sinisiguro nila na may physical distancing, hindi katulad sa mga political rally na mahirap ikontrol ang mga tao,” sabi pa ng kalihim.

Sa ngayon aniya, hindi ito ang oras para magkaroon ng malakihang pagtitipon ng mga tao.

Dagdag ng kalihim, hintayin na lang na magsimula ang campaign period dahil suwerte pa aniya tayo na bumababa ang mga kaso ng COVID kaya hindi dapat maging kampante ang mga tao. (Dolly Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.