Una sa Balita

Mga POGO worker sisirit sa 2M

0 249

Posible umanong umabot sa dalawang milyon ang magiging trabahador ng Philippine Online Gaming Operation (POGO) o online casino sa bansa sa susunod na limang taon.

Bunsod nito, naghain ng magkahiwalay na reso­lusyon ang dalawang senador para paimbestigahan sa Senado ang pagdagsa ng mga Chinese national na iligal na nagtatrabaho sa POGO.

Sa kasalukuyan ay umaabot sa 100,000 hanggang 250,000 Chinese national ang nagtatrabaho sa mga POGO.

Sa Senate Resolution 85 na inihain ni Senate Presidente Pro Tempore Ralph Recto, nais nitong siyasatin ang ilang POGO na nag-ooperate ng walang kaukulang lisensiya mula sa Philippine Gaming Corporation (PAGCOR).

“It is unclear if PAGCOR has an existing regulatory framework to govern POGOs,” sabi ni Recto sa kanyang inihaing resolusyon.

Sa talaan ng PAGCOR, may kabuuhang 56 licensed POGO sa bansa at 11 porsiyento ng kita ng kompanya ay nanggaling sa naturang online casino industry.

Samantala, sa Senate Resolution 89 na inihain naman ni Senador Win Gatchalian, gusto nitong paimbestigahan diumano’y hindi nakokolektang buwis ng mga rehistrado at hindi rehistradong manggagawa ng POGO industry sa Pilipinas.

Sabi ng senador, lubhang nakakaalarma na ang pagdagsa ng mga Chinese POGO worker sa bansa kung saan tinatayang 130,000 sa kanila hindi nagbabayad ng tamang buwis sa pamahalaan.

“There is a need to review our capability and enhance our capacity to enforce our tax, immigration, and labor laws to balance the protection we need to accord our people vis-a-vis to the contribution of industries and foreign workers to the country’s economic growth,” sabi ng senador.

Sa komputasyon ng Department of Finance, mahigit sa P22.5 bilyon ang nawawala sa kaban ng bayan dahil sa mga ‘uncollected tax’ mula sa mga manggagawa ng POGO.

Sabi naman ng Bureau of Internal Revenue (BIR), P18,750 ang hindi nakokolektang buwis kada buwan bawat manggagawa ng POGO.

Noong Hulyo, nakakolekta ang BIR ng P200 mil­yon mula sa mga
manggagawang dayuhan sa POGO sector na karamihan ay Chinese. Hulyo ang unang buwan ng pangongolekta ng gobyerno sa withholding­ tax mula sa mga dayuhang manggagawa.

Ayon kay Gatchalian, nahihirapan diumano ang BIR sa pag-isyu ng Tax Identification Number (TIN) para sa mga foreign worker. Nitong Hulyo, nakapag-isyu ang BIR ng 10,000 TIN sa 130,000 hindi rehistradong manggagawa ng POGO sa Manila, Parañaque, at Pasay.

Sabi pa nito, ang pagkabigo ng gobyerno na tutukan ang pagkolekta ng buwis sa POGO industry ay malaking sampal diumano sa mga Pilipino tax payer na regular na nagbabayad ng buwis sa pamahalaan.

Malinaw umanong nakasaad sa Section 24 and 25 ng National Internal Revenue Code, na lahat ng mga dayuhang indibidwal ay obligadong magbayad ng income tax mula sa kanilang kinita sa kanilang pagtatrabaho sa bansa.

(Dindo Matining)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy