Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Mga plastik!

0 177

Sadya yatang hindi na tayo makakawala sa piling ng mga plastik. Araw-araw, nakakasalamuha natin sila at bagama’t natuto na tayo na maging ilag sa mga plastik dahil sa kanilang hindi magandang mga katangian, mayroon pa rin talagang pakinabang sila.

Ang tinutukoy ko ay ang plastic na materyal na isang mahalagang sangkap, hindi lamang sa pagbalot ng pagkain ngunit pati rin sa anumang panindang produkto na mayroon tayo ngayon. Subukan mong tingnan ang anumang mayroon ka at siguradong may bahid ng material na plastik.

Nguni’t hindi rin natin maitatanggi na ang mga itinapon na plastik, maging bilang packaging o sa iba pang anyo ay nakababahala sa buong mundo dahil ang hindi tamang pagtatapon ay nagresulta sa tone-toneladang basurang plastik na dumudumi sa mga karagatan. Ang Pilipinas ay kasama sa tala ng mga bansa na pinanggagalingan ng ganitong uri ng polusyon na ngayon ay nakakaapekto sa daloy ng supply ng pagkain. Ang dahilan nito ay ang ating laganap na paggamit ng tinatawag na single-use plastic o mga plastik na minsanan lang ang gamit.

Ang mga pamahalaan ay tumutugon na sa pandaigdigan sigaw na kumilos ng mabilis upang maiwasan ang nagbabadyang sakuna na higit na mapanisala kaysa sa kasalukuyang pandemya. Sinasabi rin ng mga eksperto na kapag ang sakunang ito ay naganap, ito ay magiging permanente a at hindi na kayang maibalik ang dati. Ngayon pa lamang nararamdaman na natin ang mga pagbabago sa klima, kagaya ng paglakas at pagdalas ng mga bagyo. Malaki ang kaugnayan ng pagpapalit ng klima sa kung paano tayo gumagamit ng plastik.

Hindi rin naman madali para sa mga pamahalaan na basta-bastang magpatupad ng mga patakaran hinggil dito sapagka’t maaring magkaroon ng mga implikasyon sa kabuhayan ng mga tao. Ito ay lalong mahalagang isaalang-alang ngayon kung saan marami ang nagugutom dulot ng mahabang pagkakapara ng ekonomiya. Anumang askyon ng pamahalaan na hindi titingin sa kabuhayan ng mga tao ay magiging iresponsable.

Ngayon, ang buhay ng plastik ay maikakahon sa tatlong yugto—ang paggawa ng plastik, ang paggamit nito, at ang pagtapon nito. Nguni’t maaring baguhin ito upang humaba ang kapakipakinabang na buhay ng plastik. Ito ay sa pamamagitan ng pag-recycle nito o ang pagkakaroon ng ibang paggamit sa mga ito. Sa ganitong diskarte, maliliit na bawas lamang ang nangyayari sa halaga ng isang materyal sapagka’t ito ay papakinabangan muli.

Isang halimbawa rito ay ang proyekto ng Coca-Cola Bottlers Philippines na tinatawag nilang “world without waste” o mundo na walang basura. Target nila na sa taong 2025 na 100% ng kanilang mga packaging ay maaring magamit muli o ma-recyle. Sa taong 2030 naman, hangad nila na 50% naman ng kanilang packaging ay mula sa na mga ni-recycle na materyales. Kasama pa rito ay ang unti-unting pag-aalis ng mga hindi nauulit na mga sachets na ginagaamit sa kanilang mga produkto kagaya ng juice.

Sa ganitong larangan, mahalaga ang pag-recycle. Sa politika at sa darating na eleksyon, pareho rin halos—ayaw natin sa plastic, pero dapat huwag na nating sila i-recycle.

Leave A Reply

Your email address will not be published.