Una sa Balita

Mga Pinoy ‘wag munang magbakasyon sa Hong Kong! — Palasyo

0 326

PINAYUHAN ng Mala­ca­ñang ang mga Pilipinong nais magtungo sa Hong Kong na ipagpa­liban muna ang kanilang plano dahil sa nagaganap na malawakang kilos-protesta sa special administrative region ng China.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na hindi ito ang tamang pagkakataon para bumisita sa Hong Kong dahil nasa mismong airport ang kilos protesta.

Wala aniyang kasiguruhan na makakarating sa Hong Kong dahil sa nagaganap na sitwasyon kaya huwag na munang ituloy ang plano.

“Yung travel ban siguro with respect kung gusto mong pumunta ngayon sa Hong Kong, this is not the right time to go there. Kasi ‘yung flight mo biglang naka-cancel. Eh ‘di avoid muna going there. That’s the advice. Kasi you are not sure whether you are going to reach Hong Kong in the first place,” ani Panelo.

Malamig naman ang Malacañang sa mungkahing magpatupad ng deployment ban para sa overseas Filipino wor­kers (OFWs) para makaiwas sa nangyayaring kaguluhan sa nabanggit na bansa.

Sinabi ni Panelo na nagsalita na si Labor Secretary Silvestre Bello III, at hindi naman aniya sa buong Hong Kong nagaganap ang kaguluhan.

“Sabi ni Secretary Bello hindi muna. Nagkakagulo sa airport, airport lang naman. limited lang ang gulo sa airport,” dagdag pa ni Panelo.

Higit dalawang buwan na ang mga kilos-protesta sa Hong Kong kung saan nitong Lunes lamang ay kinansela ang lahat ng flight sa international airport. Kinansela nitong Lunes ang ilang flight ng Philippine Airlines at Cebu Pacific patungo at pabalik mula Hong Kong, pero nitong Martes ay balik na ang operasyon ng dalawang airline.

Nagsimula ang mga kilos-protesta sa Hong Kong dahil sa extradition bill, pero kahit binawi na ang panukala ay nagpatuloy pa rin ito at hinihiling naman ngayon na magkaroon ng malayang halalan na hindi pinapakialaman ng China. (Aileen Taliping/Otto Osorio)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy