Una sa Balita

Mga Pinoy tuna producer wagi sa 3 MOU ng Pilipinas at Russia

0 396

Kumpiyansa ang inyong kalihim na ang tatlong Memoranda of Understanding (MOU) na nilagdaan sa pagitan ng mga tuna producer sa Pilipinas at kanilang mga Russian counterparts ay isang malaking panalo hindi lamang sa mga nasa industriya ng tuna, bagkus sa buong Mindanao, na siyang pinanggagalingan ng 90% ng tuna sa ating bansa.

Ito ang industriyang lilikha ng mas mara­ming trabaho at mag-aakyat ng direktang buwis kada taon sa kabang-yaman. Sa General Santos City pa lamang, ang industriyang ito ay nakakapag-empleyo ng aabot sa 25,000 na mga manggagawa.

Ang paglagda sa MOU sa pagitan ng Century Pacific Food at Russian partners na Magnit Food Retail Chain at LLC Dalpromryba ay sinaksihan ng Pangulo kasama ang mga miyembro ng gabinete na katuwang natin sa pagtupad ng ating pangako sa Philippine tuna producers na maghahanap ng bagong merkado ng kanilang produkto sa Russia at iba pang bahagi ng mundo.

Napakaproduktibo ng limang araw na pagbisita sa Russia ni Pangulong Rodrigo Duterte sapagkat ang kasunduang ito ang isa sa maraming magandang balita na ang makikinabang ay mga nagnenegosyo sa Pilipinas, lalo na ‘yung mga nakabase sa Mindanao. Ito ay maghahatid ng malaking oportunidad sa ating 400 million dollar tuna industry.

Nakikita natin na ngayong 2019 ay aa­ngat ang industriya ng pangisdaan sa Pilipinas dahil sa u­nang anim na buwan pa lamang ay 1.51% fishe­ries output na ang ating naitala. Kabilang dito ang pitong major species na nahuhuli ng mga Pilipinong mangingisda, apat na major species din ang na-monitor na lumago ang produksyon gaya ng roundscad, tiger prawn, tilapia at yellowfin tuna—na nakapagtala ng may pinakamalaking paglago na nasa 33.4 porsiyento.

Bago pa man tumulak patungong Russia ang official delegation natin, isa talaga sa prayoridad ng gobyerno ang maghanap ng mga oportunidad sa negosyo para sa lumalaking industriya ng tuna sa ating bansa.

Nitong Setyembre ay dumalo tayo sa 21st National Tuna Congress sa General Santos City kung saan nakipagdayalogo tayo sa mga mi­yembro ng Soccksargen Federation of Fishing and Allied Industries, Inc. (SFFAII) para pa­kinggan ang kanilang hiling na makahanap ng export partners para sa kanilang produkto, partikular nga sa bansang Russia na agad nating ipinarating kay Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Mon Lopez, na kagyat namang gumawa ng inisyatibo para maisulong ang kalakalang ito sa Russia.

Inaasahan ng ating pamahalaan na ang buong industriya ng tuna sa Pilipinas, hindi lang ang Century Pacific Food, ang makikinabang sa kalakalang napagkasunduan dahil tuluyan na nga nating nabuksan ang pinto upang pumasok ang mga ito sa bago at maaasahang mga merkado sa mundo.

Sa kasalukuyan, ang Pilipinas ang nangu­nguna sa pag-export ng tuna sa ibang bansa gaya ng Spain, Germany at United Kingdom. Kung ating susumahin, tayo ay nag-e-export ng 171,452 metric tons ng tuna sa tatlong nabanggit na merkado kada taon, na ang katumbas nito ay $492 million.

Ang Russia ay pang-anim sa buong mundo sa usapin ng paglago ng ekonomiya at mayroon itong populasyon na 146 million. Kaya nakikita natin na nandoon ang malaking potensyal. Ang tuna industry sa Pilipinas ay mabilis na lalago o kikita nang malaki kung magagawa nating i-maximize ang pagpasok nito sa Russian market, at ang isa sa agad na makikinabang dito ay ang Mindanao.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy