Una sa Balita

Mga Pinoy todo diskarte sa pagsirit ng presyo ng bilhin

By
0 230

SA pagsirit ng presyo ng mga bilihin, apektado ang mas nakararaming Pilipino. Pero ang higit na naapektuhan ay ang maliliit at ordinaryong mamamayan na ang kanilang kaunting kinikita ay pilit na pinagkakasya.

Iba’t ibang diskarte na sa buhay ang ginawa ng marami para lamang mairaos ang pagkain at pangunahing panga­ngailangan ng pamilya.

Ilan sa mga manggagawa mula sa iba’t ibang uri ng hanap­buhay ang nakapana­yam ng Abante at dumadaing sa tindi ng epekto sa kanila ng mataas na inflation rate.

Rene Manahan ng Barangay 28, Caloocan City, may-ari ng karinderia: “Ganu’n pa din ang presyo ko sa pagkain tinda ko. Kasi ‘pag nagtaas ako baka maglipatan sa iba ‘yung mga suki ko.”

Hindi na nagluluto si Manahan ng ulam na maraming rekado gaya ng menudo, afritada at sisig dahil mahal ang sibuyas at ang sili ay nasa P1,000 ang kilo. “Pritong adobo na lang ang tinda ko, pansa­mantala nagbawas ako ng putahe kasi talaga namang talo ka, sakripisyo muna. ‘Pag bumaba, dagdag putahe tayo,” dagdag pa ni Manahan.

Ronnie Rafael, 49-an­yos, taxi driver, Pasig City, may isang anak: “Nahihirapan ako sa buhay ngayon kasi nagmamahal na po ang mga bilihin, ang pagkain at lalo na ang gasolina, masyadong mabigat na para sa akin bilang isang taxi driver.

“Kailangan magsipag talaga, huwag kang tatamad-tamad. Okay naman ‘yung kita ko, ‘wag ka lang barumbado sa mga pasahero. Okay lang walang kitain basta wala akong inaagrabyadong tao. Konting tipid na kami ngayon, dati kaming mag-ama namamalengke kami na may budget na P500, marami na kaming napapamili pero ngayon, mamalengke ka ng limang daan, dalawang ulam lang mabibili mo. Kulang na kulang.”

Maricar Paybor, 25-anyos, owner ng resto bar, may isang anak, Imus, Cavite: “Medyo mahina po ‘yung negosyo ko ngayon dahil po sa pagpapatupad ng TRAIN Law, nagmahal na po ang mga bilihin, mga alak at pagkain na tinitinda namin sa restobar.

“Pinag-iipunan at nagtitipid na lang kami para may maipasahod sa mga empleyado ko. May mga araw na ma­lakas ang resto, mayroon ring wala kaya nakadepende sa kita namin ang sahod nila. Kumikita kami dati ng P6,000 sa isang araw, ngayon P2,000 na lang matapos ang pagtaas ng mga bilihin.

“Inaabonohan na lang ng asawa ko ‘yung mga kulang na ipapasahod sa mga empleyado kasi nakakaawa naman sila, dahil sa hirap nga­yon ng buhay ay kaila­ngan din nila ng pera.”

Ayon naman kay Susan Japitana, sari-sari store owner na taga-Caloocan, nakakagulat daw ang mga presyo ng mga bilihin dahil halos hindi na niya kayang mamili pa sa taas ng mga ito.

Kung ang itlog na dating nabibili ng P5 ang bawat isa ay P7 na niyang ibinebenta sa kanyang maliit na tindahan. Maging ang mga maliliit na sitserya na pang-P1.00 lamang ay nakaamba na ring tumaas ngunit hindi pa niya kayang itaas ang presyo dahil bata lamang ang bumibili nito.

Ang mga presyo ng shampoo ay nasa P7 ang isang sachet ngunit mas mabili ang P10.00 na may 3-in-1 sachet, ganu’n din ang presyo ng mga instant coffee na kung saan ay mas mabili ang 3-in-1 na twin pack sa halagang P11-12 ang bawat sachet.

Arnulfo Hipolito, trike driver. “Hindi na namin kakayanin. Nanawagan ito kay Pangulong ­Rodrigo Duterte na pagtuunan naman ng pansin ang problema ng ekonomiya.

“Hindi na kinakaya, nagtitiyaga-tiyaga na lang ako, napakahirap na ngayon ng buhay,” reklamo pa nito.

Delfin Lorena, 59-­an­yos, nursing assistant: “‘Yung mga usual na gawain namin, medyo binawas-bawasan namin, tapos ‘yung hindi naman namin talaga kailangan, hindi na namin ibinibili.

SPO2 Jay Santos, Manila Police District: “Kahit nadagdagan ang suweldo, umaray pa rin ako, kasi nagpapaaral pa rin ako ng mga anak, lahat mataas ang bilihin, pati bayarin ng koryente at tubig, tuition fees ng mga anak ko. Sana maawat ng gobyerno ang inflation rate.”

Liberty Bobiles, ­mananahi at may sampung anak: “Hindi ko mapakain ng masusustansiyang pagkain ang akin mga anak dahil kinakailangan magbawas ng mga bibilhin. Kung dati ay nagagawa ko pang makapagpahi­nga at mag-relax nga­yon ay hindi na dahil kailangang kumayod kahit madaling araw pa lamang upang maitagu­yod ang mga anak na mga nagsisipag-aral”.

Mrs. Cristina Nicolas, high school teacher ng Tugatog National High School sa Malabon City: “Brunch na lang kaming mag-asawa. ‘Yung mga anak namin, bago pumasok sa eskwela­han, mag-aalmusal tapos ang baon nila ‘yun na rin ang pananghalian nila,” kuwento pa ni Ma’am.