Una sa Balita

Mga Pinoy bawal bumiyahe sa South Korea

0 390

MAGPAPATUPAD ng pansamantalang travel ban ang gobyerno sa South Korea dahil sa patuloy na pagkalat doon ng coronavirus disease 2019 (COVID-2019).

Sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III, ang tanging papayagan lamang na makabiyahe papuntang South Korea ay ang mga permanenteng residente doon, mga Pinoy na nag-aaral doon at mga overseas Filipino workers (OFWs) na babalik sa kanilang trabaho.

Gayunman, bago tuluyang payagang bumiyahe, kinakailangan munang lumagda ang mga ito ng written declaration na nagsasaad na batid nila ang pa­nganib ng gagawin nilang biyahe.

“Any travel to South Korea will be temporarily suspended,” ayon kay Duque. “Only permanent residents of South Korea, Filipinos leaving for study and OFWs returning for work will be allowed provided they signed a written declaration acknowledging the risks involved which will be complemented with health advisory pamphlet.”

Nalaman na ipinasya rin ng Inter-Agency Task Force on COVID-19 na agarang ipatupad rin ang travel ban sa mga pasaherong mula sa North Heong­san province, South Korea kabilang ang Daegu City at Teongdo County.

Papapasukin umano ang mga Pinoy at mga dayuhang asawa at anak nila, gayundin ang mga may permanent at diplomatic visa na makapasok sa bansa, pero kinakailangang sumailalim muna sila sa screening at quarantine protocols.

Una nang kinumpirma ng South Korea na tumaas ang COVID-19 cases sa kanilang bansa, at siyam sa mga ito ang binawian ng buhay.

Nabatid na ang South Korea na ang pangalawa sa mga bansang may pinakamaraming kaso ng ­COVID-19, na umabot na sa 1,146 hanggang nitong Miyerkoles, habang nangunguna pa rin naman ang China.
Nalaman na sa naturang bilang ay 134 ang mula umano sa Daegu City sa North Gyeongsang.

Wala pa namang napapaulat na Pinoy sa South Korea na dinapuan ng sakit.
Hinihintay rin ng DOH ang abiso mula sa ­Department of Foreign Affairs (DFA) kung dapat na magsagawa ng repatriation ng mga Pilipino sa South Korea. (Juliet de Loza-Cudia/Aileen Taliping/Otto Osorio)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More