Una sa Balita

Mga pelikula nina Piolo, Juday, Aga, Nadine, LizQuen ‘best film’ ng 2019

0 1,256

SPECIAL FEATURE:

Ni: Ruel Mendoza

Malapit na ang awards season at muling bibigyan ng parangal ang mga mahuhusay na mga pelikula noong taong 2019.

Sa sampung pelikulang pinili ng mga film critic mula sa print at online media, karamihan ay indie films at naipalabas sa mga film festival tulad ng Cinemalaya, CinemaOne, Sinag Maynila, QCinema at Metro Manila Film Festival. Naipadala rin sa iba’t ibang film festivals abroad ang iba.

Tatlo sa sampu ay nagkaroon ng malaking commercial release at dalawa ang kumita nang malaki sa box-office.

Samantala, ang iba ay hindi na binigyan ng pagkakataon na maipalabas sa mga movie theaters. Kung ipalabas man sa mga sinehan, hindi ito masyadong tinatangkilik ng movie-paying public.

Balikan natin ang mga napiling mahuhusay na pelikula ng 2019…

JINO TO MARI

Mula sa direksyon ni Joselito Altarejos, kuwento ito ng dalawang sex workers na sina Gino (Oliver Aquino) at Marie (Angela Cruz) na pinasok ang mundo ng paggawa ng porno films. Pinapakita ang exploitation sa dalawang tao na kapit sa patalim sa isang trabaho na napilitan lang silang gawin dahil sa matinding pangangailangan ng kanilang pamilya na sadlak sa kahirapan. Nanalo rito si Angela Cruz bilang best actress sa Sinag Maynila Film Festival.

ANG HUPA

Naging opening film ng Cinemalaya 2019 ang pelikulang ito ni Lav Diaz na tungkol sa bansang Pilipinas sa taong 2034 na nabalutan ng kadiliman at pinamumunuan ng walang pusong diktador. Nagkaroon ito ng world premiere sa Cannes International Film Festival at tumakbo ang pelikula ng 4 hours and 39 minutes. Bida rito sina Piolo Pascual, Joel Lamangan, Shaina Magdayao, Mara Lopez, Pinky Amador, Joel Saracho, Philip Heremans, Ely Buendia, Earl Ignacio, at marami pang iba.

ULAN

Gamit ang ilang elemento ng pantasya at ang tinatawag na magic realism, nabuo ni Direk Irene Villamayor ang kuwento ni Maya, isang babae na lumaking naniniwala na may kinalaman ang pag-ulan tuwing may kinakasal na mga tikbalang. Naging basehan niya ang pag-ulan sa posibilidad na makikilala niya ang lalaking mamahalin niya. Pinagbidahan ito nina Nadine Lustre at Carlo Aquino.

ALONE/TOGETHER

Tungkol ito sa love story nila Tin (Liza Soberano) at Raf (Enrique Gil) na nagkakilala at nahiwalay at muling nagkita pagkatapos ng walong taon sa New York City. Kuwento ito ni Direk Antoinette Jadaone ng pagkabigo at tagumpay ng dalawang tao na ang hinahanap ay ang kung sino ang makakabuo sa kanilang pagkatao.

MINDANAO

Isang napapanahon na pelikula ni Brillante Mendoza na may kinalaman sa kasalukuyang kaguluhang nangyayari sa Mindanao. Si Saima Datupalo (Judy Ann Santos) ay isang Muslim na inaalagan ang kanyang anak na may sakit na cancer sa House of Hope in Davao, habang ang kanyang asawa, Malang Datupalo (Allen Dizon) ay nasa isang army operation sa Maguindanao bilang isang combat medic. Nanalo ito ng 11 awards sa Metro Manila Film Festival including best picture, best director, best actor at best actress. Nanalo rin si Judy Ann bilang best actress sa Cairo International Film Festival.

EDWARD

Mula sa direksyon ni Thop Nazareno, kuwento ito ni Edward (Louise Abuel) at ang kanyang mga nasaksihan at naranasan na mga damdamin habang inaalagaan niya ang kanyang maysakit na ama sa isang public hospital. Nakilala niya ang isang pasyenteng si Agnes (Ella Cruz) kung kanino niya naramdaman ang tinatawag na puppy love. Nanalo ng Special Jury Prize at best supporting actress for Ella Cruz ang Edward sa Cinemalaya 2019.

MIRACLE IN CELL NO. 7

Top-grosser ng 2019 Metro Manila Film Festival ang pelikulang ito na dinirek ni Nuel Naval at pinabidahan ni Aga Muhlach bilang si Lito, ang lalaking may pagkukulang sa pag-iisip na inakusahang pumatay sa isang batang babae. Sa tulong ng kanyang cell mates ay naipagpatuloy niya ang pag-alaga sa kanyang anak na si Yesha (Xia Vigor) hanggang sa siya ay masentensyahang mamatay kahit na wala siyang kasalanan. Walang napanalunan ang pelikulang ito sa MMFF Awards night pero kumita ito ng higit sa $475 million sa box-office.

BABAE AT BARIL

Kuwento ng isang kimi, madaling takutin at hindi makalaban na saleslady (Janine Gutierrez) na handa nang sumuko sa buhay hanggang sa makita niya ang isang baril na siyang nagpalabas ng bayolenteng pagkatao niya. Hindi matawaran ang transformation at performance ni Janine sa pelikulang ito ni Rae Red na nagpanalo sa kanya ng best actress sa QCinema International Film Festival.

SILA-SILA

Isang modern gay romantic-comedy ito ni Giancarlo Abrahan na tungkol sa ghosting at moving on mula sa isang malungkot na break-up. Kuwento ito ni Gab (Gio Gahol) na napilitang kaharapin ang kanyang ex-boyfriend na si Jared (Topper Fabregas) sa kanilang high school reunion dahil sa bigla na lang itong nawala sa buhay niya. Isa ito sa pinag-usapan na entry ng 2019 CinemaOne.

CLEANERS

Isa sa kakaibang paggawa ng pelikula ang nilikha ni Glenn Barit para sa kanyang debut film na “Cleaners” na nanalong best film sa QCinema International Film Festival. Tungkol ito sa isang grupo ng high school students na na-assign na maging classroom cleaners. Gamit ni Barit ang photocopies para mabuo niya ang pelikula. Umabot sa 43,000 photocopy frames at tumakbo ang pelikula with eight frames per second for 60 minutes. Kinulayan nila sa pamamagitan ng highlighters ang ibang frames para matukoy ang masaya at malulungkot na memories.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More