Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Mga pasaway sa BBM inagurasyon ihahawla

0 105

Magpoposte ang National Capital Regional Police Office (NCRPO) ng malaking bus para gawing mobile jail sa mga mahuhuling pasaway sa inagurasyon ni President-elect Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa National Museum bukas.

Ayon kay NCRPO director Major General Felipe Natividad, magmumula ang bus sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at ipupwesto ito malapit sa venue ng inagurasyon.

Magsisilbi aniya itong holding area sa mga raliyista o sinumang indibidwal na darakpin ng pulisya sakaling lumabag sila sa inilatag na patakaran para sa seguridad ng idaraos na okasyon.

Samantala’y sinabi ni Manila Police District (MPD) director Police Brigadier General Leo Francisco na huling hakbang ang gagawing pag-aresto sa mga manggugulo dahil malinaw naman aniya na maaari lang magdaos ng kilos protesta ang mga ito sa mga freedom park.

“Kapag hindi nakuha sa pakiusap, wala tayong opsiyon kundi arestuhin at ilagay sila sa mobile jail,” ani Francisco.
Sia press conference ng subcommittee on security, traffic, and communications sa Camp Crame kahapon, siniguro ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año na kasado na ang seguridad sa inagurasyon ng bagong Pangulo bukas.

Sinabi naman ni PNP Deputy Chief for Administation Lt/Gen. Rhodel Sermonia na ipatutupad nila ang maximum tolerance sa mga raliyista pero hindi sila makakalapit sa venue para sigawan at hiyain ang bagong Pangulo.

Sa kabuuan ay mayroong 18,339 na public safety and security forces ang ikinalat sa buong Maynila para sa inagurasyon ni Marcos bukas at kinabibilangan ito ng 13,846 NCRPO personnel, 1,061 mula sa PNP support units at 3,432 personnel mula sa mga allied agencies at force multipliers. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.