Una sa Balita

Mga pasahero umaray sa operasyon kontra kolorum

By
0 333

Linisin at isaayos ang iba’t ibang terminal ng mga public utility vehicle (PUV) partikular na ng UV Express at mga jeep sa Cavite.

Iyan ang kautusang ibinaba ng mga national government agency tulad ng I-ACT o Inter-Agency Council on Traffic at Highway Patrol Group (HPG).

Layon nitong tugisin ang lumalagong bilang ng kolorum na PUV kung saan pagmumultahin ng P200,000 ang mga mapatutunayang kolorum na drayber at ilalagay pa sa impound ang kanilang minamanehong jeep o UV Express.

Sa kabila ng operasyon kontra kolorum, mara­ming commuter mula Cavite ang tila apektado ng paglilinis, partikular na sa Molino, Bacoor Cavite na pawang UV Express at jeep lang ang panguna­hing transportasyon patungong Maynila.

Araw-araw na pakikipagsapalaran para kay Dennis Buckly, 28, residente ng Pag-asa, Bacoor ang pagpasok sa kaniyang trabaho sa Pasay City.

Dakong alas-singko nang umaga ay nag-aabang na ng masasakyan si Dennis at suwertihan din kung ituring nito ang pagsakay sa van na may puwesto pa.

“7AM ang pasok ko, pero gumigising ako ng quarter to 4, at umaalis ng quarter to 5. Quarter to 5, nag-aabang na ako sa may tapat ng Shell Molino, sa labas mismo ng Barangay namin. Pero hindi pa rin ‘yun guarantee na may masasakyan ako, kasi nga ayaw bumyahe ng mga drivers, dahil huhulihin sila. Mapa-jeep, mapa-van, wala. It doesn’t matter how early you wake up anymore,” kuwento ni Dennis.

 

2 hanggang 3 oras na pila sa mga terminal

Kung hirap na ang Kabitenyong si Dennis papasok ng trabaho, ay ganoon din ang pasanin niya tuwing papauwi na ito sa Cavite.

Ayon din kay Jacky Remarate, 25, ng Baya­nan, Molino Road Bacoor, ay nasa tatlo hanggang apat na oras ang hinihintay niya para makapirme at makasakay sa UV sa terminal ng Mall of Asia (MOA) sa Pasay City, idagdag pa ang matinding trapik na dinadanas papasok ng Cavite.

Kahit tila suntok sa buwan ang makauwi nang maaga, mas pinipili nilang manatili sa terminal ng MOA dahil pare-pareho lamang anila ang sistema ng terminal sa ibang lugar tulad ng Baclaran, Sa­vers, at Ayala.

“Mas pinipili kong sumakay at pumila sa MOA, kasi kahit saan ako magpunta, Baclaran, Savers, Ayala, at saan pa, ay pipila ka pa rin ng higit sa isa o dalawang oras. Kung aalis ako sa pinipilahan ko mula MoA para pumunta sa ibang ruta ay pipila pa rin ako,” paliwanag ni Jacky.

 

Malabong ugnayan ng DOTr, LTFRB sinisi

Naniniwala naman si Senator Grace Poe, chairperson ng Senate Committee on Public Services, na kaakibat ng problemang ito ang malabong ugna­yan ng DOTr, Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at mga stakeholder ng public transport sector.

Ayon kay Poe, mayroong mga kinakailangang ayusin sa ruta at prangkisa na inilalatag ng LTFRB. Dagdag pa ng senador, nararapat munang magsagawa ng public consultation ang mga ahensiya upang marinig aniya ang hinaing ng mga maaapek­tuhang drayber, pasahero at operator.

“Ipinapaalala natin sa kanila na ang mga pasahero, mananakay at operators at drivers ang dapat sentro ng kanilang mandato — ang mapadali, mapabilis at maging kaaya-aya ang pagbiyahe ng ating mga kababayan,” ani Poe.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More