Una sa Balita

Mga pasahero ginutom, inabandona ng PAL-Lucio Tan

By
0 2,325

MISTULANG bakwit ang pakiramdam na isang pasahero ng Phi­lippine Airlines na pag-aari ng bilyonaryong negosyante na si Lucio Tan matapos ang halos isang araw na stranded sila sa Haneda airport sa Japan dahil nagkaproblema ang eroplano nito.

Nag-tweet ang pasaherong si Alexander Ang alas-7:45 nang gabi noong Agosto 1 ng lara­wan ng mga pasahero ng PAL flight PR117 na papuntang Vancouver, Canada na natutulog na sa sahig ng Haneda airport.

Sabi niya, nagka-technical trouble ang eroplano at walang tauhan ng PAL ang nag-aasikaso sa kanila.

“Passengers made to lie down on floor like refugees, just gi­ven voucher good for 1 meal,” tweet ni Ang.

Sabi ni PAL spokesperson Cielo Villaluna, kinailangang lumapag ang eroplano sa Haneda airport dahil nagkaroon ito ng aberya o ‘aircraft situation’.

Hindi na niya tinukoy kung ano ang naging problema sa eroplano pero sinabi ni Villaluna na binigyan naman nila ng pagkain ang mga pasahero ng ayon sa nararapat batay anya sa internal passenger guidelines ng PAL na mahigit naman sa isang meal lang.

Sabi ni Villaluna, inaasikaso ng mga tauhan ng PAL ang mga apektadong pasahero sa Haneda airport.

Pero, sabi naman ni Ang: “after 18 hrs stranded at Haneda airport, PAL has totally abandoned us, not even one personnel from PAL to address our concern, even the Haneda airport personnel had left us already!”

Humingi ng paumanhin ang PAL sa mga pa­sahero nito pero Agosto 2 pa ng gabi sila masusundo ng eroplano ng PAL.

Sabi ni Villaluna, may ‘operational issues­’ ang PAL kaya ang pinakamaagang ‘rescue flight’ ay Agosto 2 pa nang gabi naipadala.

Kamakailan, nagkaroon din ng problema ang eroplano ng PAL sa Saudi Arabia at tatlong araw natulog sa airport ang mga pasahero nito na hindi man lang binigyan ng toiletries tulad ng toothbrush at toothpaste at mga unan.