Una sa Balita

Mga pamilya sa Bicol inilikas sa landslide, baha

By
0 877

Grabeng baha at landslide ang nararanasan ngayon ng malaking bahagi ng Bicol region dahil sa walang tigil na pag-ulan kaya’t sinuspinde ang klase sa lahat ng antas kahapon.

Base sa ulat ni Luisito Mendoza ng Casiguran, Sorsogon Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), nasa 100 pamilya na nakatira sa mabababang lugar sa mga Barangay Bton, Sta. Cruz, Trece Martirez at Rizal ang inilikas dahil umabot na sa beywang ang baha sa mga nasabing lugar.

Bukod dito ay ilang pamilya pa ang inilikas sa Barangay Casay dahil sa mga landslide sa lugar.

Ilang mga tulay din ang hindi madaanan dahil sa pag-apaw ng mga ilog sa bayan ng Castilla.

Samantala, ilang landslide din ang naitala sa bayan ng Viga sa lalawigan ng Catanduanes bukod din sa mga binahang mga mabababang lugar dahilan upang magsuspinde din ng klase ang ilang mga bayan katulad ng Viga at Virac. ()