Una sa Balita

Mga ‘palpak’ ng TNT walang katapusan

0 439

unli!

NAWALAN ng saysay ang pagiging top seed ng TNT KaTropa matapos ang elimination round sa 2019 PBA Commissioner’s Cup tangan ang 10-1 record dahil kinapos pa rin sa mid-season crown.

Napagsaraduhan ng pinto ang koponan ni Manny V. Pangilinan kontra nagpapatuloy na dinastiya ng San Miguel Beermen.

Bigong matapos ng KaTropa ang kanilang championship run, sa Game 6 ay pinabagsak ng SMB, 102-90, sapat para sa runner-up finish at matuloy ang apat na taong pagkauhaw sa kampeonato.

Naging tinik sa TNT ang kanilang dating guard na si Terrence Romeo, tinanghal na Finals MVP, na sana’y puwedeng humalili kay Jayson Castro pagsabit ng kanyang jersey.

Nag-average si Romeo ng 14.8 points, 4.3 assists at 2.3 rebounds kada laro sa serye.

Naging kontrobersyal si Romeo matapos mag-AWOL sa TNT dahil sa hindi pagsipot sa mga team activity, napabalita din na karamihan sa mga teammate nito sa KaTropa ay ayaw maging kakampi ang spitfire guard dahilan para ilipat ito sa mahigpit na karibal na SMB.

Huli pang nakuha ng TNT ang PBA trophy noong 2015 PBA Commissioner’s­ Cup kung saan binandera ng dating Atlanta Hawks center na si Ivan Johnson.

Tila nawili ang KaTropa sa pagkuha ng mga bigtime import, sa mga sumunod na conference ay apat na NBA player ang kanilang sinungkit sa pag-asang muling masundan ang tagum­pay ni Johnson.

Sinalang sina nine-year NBA veteran­ Lou Amundson at 2008 first rounder Donte Green sa iisang conference, sunod ay sinubukan ang dating Washington Wizards forward na si Glen Rice Jr, sa katatapos na Commissioner’s Cup naman nagpakitang-gilas ang Houston Rockets forward na si Terrence Jones.

Sa tuwing magkakaroon din ang liga ng Asian imports ay hindi nagpapahuli ang TNT, dating pinaglaro ang mga FIBA top player na sina Syrian Michael Madanly at Jordanian star Sam Daghles.

Ngunit ni isa dito ay hindi napatungtong ang KaTropa sa Finals, ang nakapagsampa pa sa koponan sa championships noong 2017 ay si bulky center Joshua Smith na hindi nakatungtong sa NBA.

Isa pa sa naging problema ng KaTropa­ ay ang magulong set-up sa coaching staff.

Si Jong Uichico ang huling naka­pagkampeon na nagtimon sa MVP team, ngunit sa mga sumunod na apat na season ay sinibak na matapos hindi na makatungtong sa Finals.

Pinalitan si Uichico ng FEU tactician na si Nash Racela, ngunit dalawang taon ang nakalipas ay biglang pinag-leave at kalauna’y pinalitan din ng TNT matapos ang tatlong sunod-sunod na talo sa 2018 Governor’s.

Ngayon ay hindi pa rin klaro kung sino ang coach ng KaTropa, sa papel ay si Bong Ravena ang nakalagay ngunit mas makikitang aktibo sa sideline ang team consultant na si Mark Dickel. (RMP)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy