Una sa Balita

Mga pabayang local officials hindi na dapat pang iboto

By
0 350

Mag-eeleksyon na sa Barangay at Sangguniang Kabataan kaya dapat ay samantalahin ang pagkakataong ito ng ating mga kababayan sa pagpili ng nararapat na mga opisyales ng kani-kanilang mga lugar.

Kung magpapabaya kasi ang mga lokal na opisyal lalo na ang mga nasa barangay, talagang magsusulputang parang mga kabute ang utak ng iba’t ibang iligal na aktibidades partikular ang iligal na droga.

Katulad na lamang ng nangyaring pagsa­lakay kamakailan ng Phi­lippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Malabon City sa tatlong palapag na gusali sa Barangay Tinajeros, Malabon City.

Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, ang sinalakay na gusali ay posibleng testing site sa Tinajeros para sumubok ng iba pang uri ng iligal na droga dahil marami sa mga kemikal na nadiskubre ay hindi kasama sa paggawa ng ecstacy.

Kilalang party drug ang ecstacy at kung tumagal pa ang laboratory parang nagkaroon ng factory ng droga sa Malabon City na nasa sentro ng Metro Manila.

Ang nakakabahala pa baka maibenta pa itong parang candy sa mga lansangan ng Malabon City at karatig-lungsod.
Maaari rin daw konektado ayon kay Aquino ang mga pagawaan ng iligal na droga sa Golden Triangle na nag-ooperate sa mga bansang Thailand, Laos, Myanmar.

Sabagay ang Malabon ay malapit sa bayba­yin kung saan maaring makalabas-masok ang mga galamay ng sindikato ng iligal na droga.

Kaya hindi malayong madaling naipapasok ang iligal na droga at mga kemikal.

Sa haba kasi ng coastline sa Malabon na isa sa pinakamahaba sa buong mundo, nakakasilip ng mga entry points ang mga gustong magpasok ng droga sa atin.

Pero siyempre hindi basta-basta makakapasok ang mga ito kung walang kakutsabang maimpluwensiya.

Napakahirap labanan ng sindikatong ito sa iligal na droga, kaya ang maaari na lamang magawa ng mga residente ay maging alerto at mamili ng mga opisyales ng kanilang lungsod na may kakayahang iligtas ang kanilang lugar sa pamamayagpag ng iligal na droga.