Una sa Balita

Mga opisyal ng NFA dapat managot

By
0 183

Sinisi ng isang militanteng kongresista ang National Food Authority (NFA) sa pagbili ng mababang presyo ng palay at pagsandal sa importasyon kaya nagkakaproblema umano sa stock ng bigas at nalalagay sa alanganin ang seguridad ng pagkain sa bansa.

Sa hearing ng budget ng NFA sa Kamara kahapon, pinuntirya ni Anakpawis Party-list Rep. Ariel Casilao ang NFA dahil taong 2009 pa umano ay napako na sa P17 kada kilo ang buying price ng NFA.

Pinagdidiskitahan at pinagbubuntunan diumano ng sisi ng mga opis­yal ng NFA ang mga magsasaka dahil ayaw ibenta ng mga ito ang kanilang ani sa nasabing presyo.

Dahil sa mababang imbentaryo ay napipilitan umanong mag-angkat ang NFA.

“It is disappointing that since the Duterte administration, NFA Administrator Jason Aquino never thought of decisively increasing its bu­ying price, which is ob­viously outmoded, with the increases in cost of production. That mere inaction is self-destructive, or a machination to totally rely on imports for securing the buffer stock in the country,” pahayag ni Casilao.

Umaabot sa P5.1 bil­yon ang budget ng NFA noong 2017 na laan para sa Food Security Program at pitong bilyong piso noong 2018 ay para naman sa Buffer Stocking Program.

Pero noong 2017, ang binili umano ng NFA ay 28,344 metric tons o katumbas ng 0.001% ng 19.2 milyong metric tons ng kabuuang produksyon.

Pagsapit ng Enero 2018 ay 334 metric tons lamang ang binili.

Ipinunto ni Casilao na halos bokya ang procurement level ng NFA noong 2017.

Nilabag diumano ng tanggapan ang mandato nito na tiyakin ang seguridad ng pagkain ng bansa gayundin ang pagpapatatag ng supply at pagpapababa ng presyo.