Una sa Balita

Mga opisyal ng LTO, DPWH sa Nueva Vizcaya sibak sa kotong

By ,
0 1,630

PINASISIBAK ni Presidente Rodrigo Duterte ang ilang opisyal ng Land Transportation Office (LTO) at Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Aritao, Nueva Vizcaya.

Ayon kay Agriculture Secretary Emmanuel Piñol, nagalit si Presidente Duterte nang malaman ang kotongan ng mga opisyal ng LTO at DPWH sa truck weighing station sa Aritao na umaabot sa milyon-milyon ang koleksyon kada buwan.

Inutos agad kay Department of Transporation (DOTr) Secretary Arthur Tugade ang pagsibak sa mga opisyal ng LTO na nangongotong sa mga trak na bumibiyahe sa lugar.

Inatasan din ni Duterte kay Special Assistant to the President Bong Go na sibakin ang mga kasabwat na nasa DPWH.

Nakipagpulong kamakalawa ng gabi si Duterte sa mga rice tra­ders mula Cagayan kung saan isinumbong ang pangongotong sa kanila sa truck weighing scale sa Aritao.

Kailangang timbangin ang mga truck na may lulan na sari-saring ani sa Aritao para malaman kung overloaded ang mga ito.

Pakiramdam ng mga traders, palusot lang ito para kotongan sila ng P500 hanggang P1,000 kada trak na binabayaran na lang nila kaysa masira pa ang mga agricultural commodities na karga nila.

Sa isang buwan, aabot ang P30 milyon ang nakokotong sa kanila.

Sabi pa ng mga tra­ders, sobrang masipag mangotong ng mga taga-LTO at DPWH sa Aritao at hindi man lang sila nagbakasyon noong Semana Santa.

Sabi ni Piñol, isa ito sa mga dahilan kung bakit tumataas ang presyo ng pagkain sa merkado dahil pinapasa ang gastos na ito sa mga mamimili.