Una sa Balita

Mga OFW, sundalo bida kay VP Leni

By
0 596

Ang mga overseas Fili­pino workers (OFW)na itinuturing na mga bagong bayani gayundin ang mga sundalo ang ibinida ni Vice President Leni Robredo sa paggunita kahapon ng National Heroes Day.

Sa kanyang mensahe, labis na pinapurihan  ng Pangalawang Pangulo ang sakripisyo ng mga Filipinong manggagawa na piniling malayo sa kanilang mga pamil­ya para magtrabaho sa ibang bansa gayundin naman sa mga kasundaluhan na laging handang magbuwis ng buhay para masiguro ang seguridad ng bansa.

“Lubos ang ating pasasalamat sa ating mga overseas Filipino workers para sa kanilang mga sakripisyo – tinitiis na malayo sa bayang kinagisnan upang mabigyan ng mas magandang buhay ang kanilang mga pamilya at ang ating bansa,” ayon kay Robredo.

Ayon pa kay Robredo, malaking papel ang ginampanan ng mga ba­yani mula noon hanggang ngayon, lalo na sa pagkamit ng demokrasya.

“Puno ng mga pagsubok ang ating kasaysayan, at sa gitna ng mga unos na kinaharap ni Inang Bayan, ipinamalas ng ating mga ba­yani ang diwa ng pagiging Fi­lipino – ang walang pag-aatubiling pag-aalay ng sarili para sa ikabubuti ng mas nakararami.Ang kanilang tapang, dedikasyon at pag-ibig sa ating bayan ang naging pundasyon ng kalayaang ating tinatamasa ngayon,” bahagi pa ng mensahe Ni Robredo.

Sa huli, hinimok ng Pangalawang Pangulo ang publiko na gawing ins­pirasyon ang mga nagsilbing bayani ng ating bansa tungo na rin sa hinahangad na pagbabago.