Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Mga naloko ng Starpay lumantad – Bayan Muna

0 59

Lumalabas na umano ang mga nabiktima ng kapalpakan ng Starpay Corp., isa sa mga kompanya na kinuha ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang ipamahagi ang pondo ng Social Amelioration Program (SAP).

Ayon kay House Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate ilan sa mga biktima ang nakikipag-ugnayan sa kanila at sumusuporta sa pagsasagawa ng imbestigasyon.

Sa isa sa mga reklamo, sinabi ni Zarate na nakatanggap ng text message ang benepisyaryo mula sa Starpay noong Hulyo 11, 2020 na nagsasabi na makukuha nito ang ayuda sa Agosto 8, 2020.

“Para makuha ang inyong ayuda mula sa DSWD, pumunta sa pinakamalapit na M Lhuillier dala ang inyong valid ID at ref# SPC373C58EA2E sa 08/07/2020. Salamat po,” sabi ng text message.

Nagtiyaga umano sa pila ang benepisyaryo na naulanan at naarawan pero sa huli ay wala itong nakuha.

Hindi umano totoo ang reference number na ibinigay ng Starpay.

Dumaan umano ang ilang buwang lockdown na walang natatanggap na ayuda ang mga ito dahil sa kapalpakan ng Starpay.

“Mahirap na maulit pa ang nangyaring ito na walang napaparusahan lalo pa at ‘di pa tapos ang pandemya at kailangang direktang mapunta sa mamamayan ang ayuda na para sa kanila,” sabi ni Zarate.

Nanawagan si Zarate sa iba pang biktima ng Starpay na lumabas at magreklamo. (Billy Begas/Eralyn Prado)

Leave A Reply

Your email address will not be published.