Una sa Balita

Mga nakabalagbag na trak ipapakatay ni Isko

0 395

Nagbanta si incoming Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso sa mga may-ari ng truck na ipasisira at ipapa-acetylene niya ang mga ito kapag hindi inalis at patuloy pa ring nakabalagbag sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.

Partikular na tinukoy ni Domagoso ang mga truck na iligal na naka-park sa kahabaan ng tulay ng Del Pan, Road 10, Sta. Cruz at Paco at nagbabayad umano ng tig-P1,000 bawat isa kada-araw sa mga chairman ng nasabing mga lugar.

“I am giving you a fair warning, mayroon pa kayong apat na araw para umayos at alisin ang mga truck na yan. Pag nakabalagbag pa yan sa mga lugar na yan eh papoposasan ko ang mga chairman diyan at ipapa-acetylene ko ang mga truck na yan para hindi na makapagpabigat sa daloy ng trapiko at makasira sa ating cultural heritage tulad diyan sa Paco Park na isang national park,” babala pa ng incoming mayor.

Sinabi ni Domagoso na sapat na ang ibinigay niyang panahon para magkusa ang mga chairman na ayusin ang kanilang mga lugar.

Gagawin niya aniya itong scrap para pagkakitaan at pakinabangan ng mga nangangailangan.

Ayon kay Domagoso, malakas ang loob ng mga truck driver na iwan o iparada ang kanilang mga truck sa R-10 dahil may bayad umano itong P1,000 kada-araw.

Aniya, ipinagbawal niya noong siya ay bise alkalde pa ng lungsod ang towing dahil may nakita siyang pang-aabuso ng gobyerno.

Gayunman, inaabuso umano ito ng ilan tulad na lang ng ginagawa ng chairman na nakasasakop sa Paco Park, na isang National park, dahil halos apat na taon umano nitong hinayaan na bumalagbag sa nasabing lugar ang mga 40-footer na trailer truck na walang ulo sa lugar.

“Huwag niyo kaming susubukan ginagawa namin ito upang malinis ang Maynila.” pahayag pa ng incoming mayor.

Sa ginanap na Kapihan sa Manila Bay forum, tinawag ni Moreno ang atensiyon ng mga barangay chairman dahil hindi umano siya magdadalawang-isip na ipaaresto sila kapag pinayagan pa rin ang illegal parking ng mga truck.

“Panawagan, lahat ng trak sa Valderama, Chairman Bautista, itigil niyo na ang illegal parking ng trak, sa pagbaba ng Delpan bridge.

I’m calling your attention, tutal nakinabang na kayo ng mahabang panahon, hindi naman masama, iclear niyo yung pagbaba ng Delpan bridge. Chairman Diana ng Baseco, tigilan niyo na pagpaparada bago pag-akyat ng Delpan bridge, Barangay ng Baseco,” giit ni Moreno.

“Lahat ng Barangay Chairman ng R-10, sinabi ko na sa inyo, nagpapaalala lang talaga, wag nyo na antabayanan ang July 1 at July 2. when i said poposasan kayo, poposasan ko talaga kayo pag involved kayo sa kotong, illegal parking sa kalye. Alam ko na alam ninyo na totoo yung sinasabi ko.

this is a fair warning. Dont push me to the wall, iimplement namin ang batas. Para sa kaayusan po ito ng lungsod ng Maynila na gusto ng taumbayan,” dagdag pa ni Moreno. (Mia ­Billones/Juliet de Loza-Cudia)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy