Una sa Balita

Mga millennial nagtutuloy ng Traslacion

By
0 350

HIGIT limang dekada na mula nang mag-umpisa sa maliit na prusisyon ng mga taga-Quiapo ang ngayon ay isa sa pinakamalaking aktibidad na taunang ginugunita ng mga deboto – ang ­Kapistahan ng Poong Itim na Nazareno.

At dahil sa mabilis na pagtakbo ng panahon, mapapansing marami na sa mga deboto ang matatanda na at unti-unting napapalitan ng mga kabataang nananampalataya sa Poon.

Inaasahan na ang batang henerasyon ang hahalili sa matatandang deboto dahil sa kanilang lakas para humila sa andas ng Nazareno.

Sa naging parada ng mga replika ng imahen ng poon noong Lunes, nakapanayam ng Abante ang ilan sa maituturing na ‘new blood’ sa Traslacion.

Nang matanong ang mga ito kung bakit sila namamanata, ilan sa mga sagot nila ay:

“Willing talaga ako. Napakagaan ng loob ko na ito ‘yung pinili ko bilang isang Katoliko,” sabi ni Rainiel.

Para naman kay Joy, “Kagustuhan ko. Ito na ‘yung kinalakihan ng nanay at tatay ko, kaya ­parang pinasa na.”
Ganito rin ang sagot ni Angelo Hipolito, 19-anyos, aniya’y sakitin ito noon kaya naman nang gumaling ay sinama siya ng kanyang ama at kuya para pumasan.

Gayunman, sa obserbasyon ng ilang nakatatandang namamanata, may malaking kaibahan umano ang mga pumapasan noon at ngayon.

“Ibang-iba na talaga ngayon, alam mo ba dito sa amin magkakaroon muna ng misa at prusisyon bago ang Traslacion ng Nazareno. Habang kami ay nagmimisa sa loob, itong mga kabataan na pumapasan, ang ginagawa sa labas nagtatambol, nagsisigawan at nagmumurahan pa, hindi talaga ako nakatiis, lumabas ako at sinigawan ko sila. Grabeng mga bata, hindi alam ang kanilang ginagawa,” kuwento ni Lolet Gatbonton ng Quezon City.

Ayon naman kay Arnold Hipolito, 52-anyos, “Ang mga kabataang deboto ngayon parang nag­lalaro na lang, basta makapasan lang sila, nanggagaya na lang, wala sa puso nila ang kanilang debosyon sa Mahal na Itim na Nazareno.”

Nabatid sa mga nakapanayam na maging 7-taong gulang ay maaaring sumali, ngunit hiling ng mga nakatatandang deboto ay maturuan ang kabataan na namamanata nang tamang gawi sa nasabing aktibidad.

Ngayong Pista ng Poong Itim na Nazareno, pinapaalala na buhay ang paniniwala na ang mga kahilingan at dasal ay ibinibigay sa pamamagitan ng taimtim na panalangin sa Poon ng Itim na Nazareno – anuman ang edad at henerasyon.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy