Una sa Balita

Mga millenial ayaw mag-move on sa krimen ng mga Marcos

By
0 399

Binuweltahan ng isang militanteng kongresista si Ilocos Norte Governor Imee Marcos sa kartada nito na dapat mag-move on na ang mga Pinoy mula sa ba­ngungot ng Martial Law.

Ayon kay Kabataan Party-list Rep. Sarah Ela­go, hindi makaka-move on ang hanay ng kabataan sa mga krimen na ginawa diumano ng pamilya-Marcos.

Iginiit din nito na hindi hahayaan ng mga millennial na bumalik sa Malacañang ang mga Marcos.

“Imee Marcos blabbers plain lie. Kapatid nga talaga ng magnanakaw ang sinu­ngaling, ano? Hindi ba nabalitaan ni Governor Imee ang libo-libong millennials na nagprotesta laban sa pagpapalibing kay Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani? paghahayag ni Elago.

“Ang mga kabataan ay sumigaw at patuloy na sumisigaw ng ‘never again’, patuloy na luma­laban sa pagbabalik ng mga Marcos sa kapangyarihan,” dagdag pa nito.

Iginiit ng solon na hindi makakapag-move on ang mga millennial hanggang hindi nakakam­tan ang katarungan ng libo-libong biktima ng Martial Law ni Marcos.

“Hindi kami magmu-move on hanggang hindi nananagot ang mga Marcos sa dami ng pinatay nilang Filipino. Hindi kami magmu-move on sa dami ng ninakaw nila sa kaban ng bayan. Hindi kami magmu-move on hanggang nananatili ang mga Marcos sa kapangyarihan at hindi sila nananagot sa mga kasalanan nila sa ­bayan,” pagdidiin ni Elago. ­