Una sa Balita

Mga MIAA official na nakipagsabwatan sa Cebu Pacific sibakin

By
0 3,129

Nagbanta si House Speaker Pantaleon Alvarez na sisibakin ang mga opisyal ng Manila International Airport Authority (MIAA) na magpapauto sa mga airline company katulad ng Cebu Pacific sa kabila ng kapalpakan ng mga ito sa binibigay na serbisyo sa publiko.

Pinagsabihan ng kongresista ang mga awtoridad sa mga pali­paran ng bansa na bubuwagin din ang tanggapan ng mga ito kapag patuloy na naging uto-uto o sunod-sunuran sa mga paandar ng mga airline company.

Babala pa ni Alvarez na puwedeng makasuhan ang mga opisyal ng gobyerno na hindi gumaganap nang maa­yos sa kanilang tungkulin.

“Hinahayaan natin na itong mga airline companies na sila ‘yung magdidikta kung ano ang dapat gawin ng airport authority. Aba eh kung ganyan ‘yung mentality natin eh ‘di i-dissolve na lang natin pati ‘yung airport authorities na ‘yan. Nakakalimutan nila na mayroon silang pananagutan doon sa Anti-Graft Law, for failure to do their job in protec­ting the interest of the public,” ayon pa kay Alvarez.

Nauna nang binakbakan ni Alvarez ang Cebu Pacific na pag-aari ng pamilya ng business tycoon na si Lance Gokongwei dahil sa mga kapalpakan aniya nito sa kanilang mga pasahero.

Tiniyak ni Alvarez na magpapatuloy ang public hearing ng House committee on transportation para malaman kung sumusunod na ang mga airline company sa direktiba ng komite na ayusin ang kanilang serbisyo publiko.

Nagbanta si Alvarez na kakanselahin ang prangkisa ng mga kompanyang hindi susunod sa mga hinihinging pagbabago sa mga paliparan.

Bukod sa mga isyu ng refund at terminal fee laban sa Cebu Pacific na pinaiimbestigahan ni Alvarez sa Commission on Audit (COA), iginiit din nito na aksyunan ng mga awtoridad sa mga paliparan ang air traffic congestion.

Nais din ni Alvarez na paghiwalayin ang domestic at internatio­nal flights para lumuwag ang mga paliparan sa bansa.