Una sa Balita

Mga mangingisdang Pinoy, lalo pang kinawawa

0 481

Dapat ay tandaan ng lahat na ang mga mangingisdang Pili­pino na sakay ng fishing vessel na binangga ng Chinese vessel sa Recto Bank o sa karagatan na sakop ng Pilipinas ay mga pangkaraniwang mamamayan.

Ang 22 Pinoy na manginigisda na nailigtas ng mga mangingisdang Vietnamese ay walang motibo upang siraan ang gobyerno ng Pilipinas o ang mismong Duterte administration.

Ang mga ito ay nagnanais lang na makakuha ng katarungan at matulungan ng ating gobyerno.

Pero ang pinakamasaklap na nangyari sa mga mangi­ngisdang Pinoy ay tila mababaliktad pa sila at hindi malayong sila pa ang lumabas na may kasalanan.

Dapat ay ipaalala natin sa ating gobyerno sa pangu­nguna ng ating Pa­ngulo at mga opis­yal nito na hindi naman isyu dito kung binangga o nabangga o sinadya ba o hindi.

Ang pinakaimportante dito ay kung bakit inabandona at hindi man lang tinulungan ang mga Pinoy na mangi­ngisda na ilang oras nagpalutang-lutang sa karagatan at sa kabutihang palad ay nasagip ang mga ito ng mga Vietnamese.

Related Posts

Isang malaking kahihiyan sa mata ng lahat lalo na ng international community na ang ating gobyerno ay nagpapakita ng sobrang gamot o kaduwagan sa China.

Hindi naman aabot sa giyera ang usaping ito kahit pa magalit ang Pilipinas sa China. 

Dahil mas magmumukhang kahiya-hiya ang China na sila ay nambu-bully sa maliit na bansa tulad ng Pilipinas.

Ayon sa ating pag-monitor sa usapin ay tila iisa ang nabuong script dito at ang palabasin ay ang ating mangingisda pa ang may kasala­nan dahil mismong ang Malacañang ay duda umano sa pahayag ng mga ma­ngingisda.

Simple lang naman ang inaaba­ngan natin na gawin mismo ni Pangulong Duterte na ipakita n’ya na siya ay kakampi ng mga Pilipino at hindi ng China sa pamamagitan ng paghiling sa Chinese government na tukuyin at papanagutin ang mga sakay ng Chinese vessel at hingan ng danyos.

Sa ganitong pamamaraan ay maipapakita din ng China na hindi nila kunikunsinti ang kanilang mga abusadong mamamayan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More