Una sa Balita

Mga mangingisdang Chinese dapat mag-sorry, magbayad sa pinsala – Lorenzana

0 287

KUMBINSIDO si Defense Secretary Delfin Lorenzana na dapat humingi ng paumanhin ang mga Tsinong kasama umano sa mga bumangga sa bangka ng 22 ma­ngingisdang Pinoy sa West Phi­lippine Sea.

Sa ginanap na Kapihan sa Manila Bay forum kahapon, sinabi ni Lorenzana na tama lang din na mag-sorry sa mga mangi­ngisda ang kapitan ng Chinese vessel na Yuemaobinyu 42212 at bayaran ang pinsalang naidulot ng insidente.

Gayunman, idiniin ng kalihim na walang kinalaman sa relasyon ng pamahalaan sa bansang China ang nangyaring insidente sa Recto Bank.

Naniniwala siya na aksidente at hindi sinadya ang nangyaring pagbangga ng Chinese vessel sa bangkang pangisda.

Totoong napakalawak aniya ng karagatan at ang nasabing insidente ay maituturing na isa sa bawat isang milyong posibilidad.

Kumbinsido rin ang kalihim na ordinaryong fishing vessel lang ang nakabangga sa F/B Gem-Ver 1 at hindi ito bahagi ng Chinese maritime militia dahil sa dala nitong boom na gamit sa pangingisda.

“Merong boom doon na nila­lagay ‘yung net pag fishing nila. According to experts na nakilala natin sa Philippine Navy and Maritime, itong mga fishing vessel comes from Hong Kong,” paliwanag ni Lorenzana.

“‘Yung mga militia, hindi naman nagfi-fishing ‘yan,” dagdag niya.
Samantala, humingi rin ng paumanhin ang kapitan ng fishin­g boat kay Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa balitang inisnab nito ang pulong noong Lunes.

Paliwanag ni Junel Insigne, si Agriculture Secretary Manny Piñol sana ang makakausap niya sa Maynila at hindi si Pangulong Duterte. Umatras siya sa pulong dahil sa masama ang kanyang pakiramdam nu’ng araw na iyon. (Mia Billones)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy