Una sa Balita

Mga manggagawa ng Boracay Airport susuweldo kahit sarado

By
0 1,274

Tiniyak kahapon ng San Miguel Corporation (SMC) na matatanggap ng mga empleyado ng Boracay Airport ang kanilang suweldo ng buo kahit pa nakasara ang isla sa susunod na anim na buwan para sa rehabilitasyon nito.

“We will retain all of them to make sure they have steady source of income during the closure,” paglilinaw pa ni SMC president at Chief Operating Officer (COO) Ramon S. Ang.

Sinabi ni Ang na aalukin nila ng trabaho ang mga manggagawa na magamit ang mga oras nila sa mabuting paraan tulad ng pagtulong sa cleanup program ng pamahalaan sa isla.

Handa rin umano si Ang na ipagamit sa gobyerno ang mga pag-aari niyang dredging equipment, mga backhoes at gibara o barge para sa gagawing pag-aayos at pagbabagong bihis ng Boracay.

Si Ang ang may-ari ng Trans Aire Development Holdings Corp. (TADHC) na siyang may hawak ng concession para mag-operate sa Boracay airport.

“The airport won’t be requiring full manpower while Boracay is totally closed to tourists so we are looking to encourage all our workers to help the government during the lull,” dagdag ni Ang.

Naniniwala si Ang na magiging pagkakataon ang pagpapasara sa isla upang bigyan pa sila ng oras na makapaglatag ng mas magagandang plano kung paano gagawing green gateway ang Boracay at mapanatili ang kasikatan nito bilang isa sa mga popular na tou­rist destination sa buong mundo.