Una sa Balita

Mga mall na ginagawang negosyo ang CR pansinin naman!

0 348

Nakakagalit itong mga negosyante sa ating bansa, lalo na ang mga may-ari ng naglalakihang mga malls.

Paano naman, pati restroom ay ipinagkakait nila sa kanilang mga customer.

Nauunawaan natin ang dinaranas nga­yong krisis sa tubig pero hindi ito dahilan para negosyohin ng mga malls ang kanilang mga comfort room.

Hindi na tayo magbabanggit ng mga malls dahil sandamakmak sila bukod pa sa magkakapareho naman ang kanilang istilo, ang pagkakitaan ang mga itinayo nilang mga restroom imbes na ipagamit nang libre sa kanilang mga customer na siyang bumubuhay sa kanilang negosyo.

Ang nakakainis pa, krisis na nga sa tubig pero may paraan itong mga mall owner dahil ang restroom nilang libre ay isinasara nila gamit ang dahilang krisis sa tubig.

Pero kapag nag-ikot ka ay makikita mo naman ang ilang pay restroom nila na nag-o-operate.

Ibig sabihin, kapag libre, wala silang tubig pero kapag magbabayad ka ay operational ang kanilang restroom.

Sobra na ang mga mall owners na ito kaya dapat nang bigyan ng leksyon.

Sana naman ay may mambabatas na magpanukala na ilib­re ang paggamit ng mga restroom upang sa gayon ay makabawas naman sa napakarami nang gastusin ng publiko.

Kung kaya ninyong hiritin na magkaroon ng libreng internet, malinis na restroom sa mga transport terminal, mas lalong dapat ninyo itong ipatupad dahil mga mall sila na tiba-tiba na ang kinikita pero gusto pang pagkakitaan ang kanilang mga parokyano na gumagamit ng kanilang mga palikuran.

Tingnan lang natin kung langawin ang pag-aari ninyong mga mall kung makuha n’yo pang maningil.

Ang hirap kasi sa ilang negosyante, kung kailan kumikita ay naghahangad pa ng mas maraming kita sa napakara­ming kaparaanan katulad ng pagpapabayad sa paggamit ng kanilang restroom na dapat ay bahagi ng kanilang serbisyo bilang isang uri ng negosyo.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy