Una sa Balita

Mga magulang may sala sa paglobo ng iligal na droga — Bato

0 222

Bukod sa gobyerno, may pagkukulang din ang mga magulang kung bakit patuloy na lumalaki ang demand ng iligal na droga sa bansa, ayon kay Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa.

“Meron naman ginagawa pero aaminin ko rin na may pagkukulang ang gobyerno pero hindi lang ang gobyerno ang may pagkukulang pati ang taumbayan,” diin ni Dela Rosa sa interview ng DZBB kahapon.

“‘Di lang naman ‘yan function ng gobyerno. Dapat magtulungan tayo dyan.
‘Yung mga parents mismo they are responsible. Wala silang pakialam sa mga anak nila tapos isisisi nila sa gobyerno. Sila mismo nasa pamamahay nila pinabayaan nila tapos sisisihin naman ang gobyerno,” litanya ng senador.

Binanggit pa ng senador na kahit talamak pa rin ang bentahan ng iligal na droga sa bansa, may magandang resulta naman ang kampanya ng gobyerno kontra droga.

“Noong panahon nila ang droga ay hindi ini-import, dito mismo ginagawa. Ang lalaki ng shabu lab na giniba natin. Ngayon kung may shabu man na nakapasok galing ito sa China, Taiwan, Hong Kong, ‘di galing sa atin,” diin ng dating hepe ng Philippine National Police.

Para tuluyang mapi­gil ang pagpasok ng imported na droga, sinabi ni Dela Rosa na mangyayari lamang ito kung lulusubin ang mga shabu laboratory sa China at iba pang bansa na pinaggagawan nito.

“Kung gusto mo talaga na maubos wala nang magpasok ng droga dito puntahan natin ang China atakihin natin ang laboratory nila. Puntahan natin ‘yung ibang bansa kung saan ‘yan. Laos, Burma kung saan galing ang shabu na ‘yan giyerahan natin,” diin pa ng senador.

Muli ring itinulak ni Dela Rosa ang parusang kamatayan sa mga big time drug lord.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More