Una sa Balita

Mga Magsasaka yayariin ng ‘Zero Tariff’ ni Salceda

By ,
0 764

NABABAHALA ang ilang mambabatas at sektor ng agrikultura sa usapang tatanggalin o babawasan ni Pangulong Rod­rigo Duterte ang taripa sa mga inaangkat na bigas, isda, baboy, manok at iba pang mga agricultural product ‘pag nag-recess na ang ­Kongreso sa Agosto 17.

“Hindi po ‘yan solus­yon na bababa ang presyo ng bigas bagkus pinapatay mo na at tuluyan mo nang pinapatay ang lokal nating mga magsasaka lalo pa ngayon na may bagyo tayong nararanasan at matindi ang tama sa hanay ng ating mga magsasaka ng palay,” ani Anakpawis Rep. Ariel ‘Ka Ayik’ Casilao.

Binigyang-diin ng Anakpawis solon na hindi dapat maaprubahan ang ‘Revised Agricultu­ral Ta­riffication Act’.
Ang Kongreso ang nagtatakda ng taripa sa mga iniaangkat na produkto. Subalit ‘pag naka-recess ang Kongreso, maaaring pumirma ng executive order ang Pa­ngulo na magtatakda ng bagong taripa.

Sabi ni Raul Montemayor ng Federation of Free Farmers, parang minamadali ngayon ng Tariff Commission ang pagdinig tungkol sa pagtanggal o pagbawas ng taripa sa produktong agrikultura dahil dati naman ay binibigyan ang mga magsasaka ng isa o dalawang buwan para pag-aralan ang mga panukala.

“Parang pina-fastbreak nila ngayon,” sabi ni Montemayor dahil wala pang dalawang linggo ang ibinigay sa kanila para pag-aralan ang pagtanggal ng ta­ripa sa agricultural pro­ducts. Nu’ng Biyernes, Agosto 10 lamang nilahad ng Tariff Commission ang proposal at pinasusumite na ang mga magsasaka’t ma­ngingisda ng position paper tungkol dito sa Martes, Agosto 14.

Ang pagtanggal ng taripa sa mga inaangkat na produktong agrikultura ay naging ideya ni Albay Rep. Joey Salceda bilang pa­ngontra umano sa inflation o pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Iginiit naman ni ACT Teachers Rep. France Castro na talagang ma­dedehado ang mga magsasaka sa pag-apruba ng Rice Tariffication Law.

“Sasahol ang kalaga­yan ng mga magsasaka. Makikipagkompitensya sa presyuhan ng imported rice. Pansamantala lang ang pagdami ng supply ng rice sa pag-i-import pati na ang price nito,” dagdag nito.

Aprubado na sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang ‘Revised Agricultural Tariffication Act’ o House Bill 7735 na papalit sa quantitative import res­trictions sa bigas.

Kumpiyansa naman si House Majority Floor Leader at Camarines Sur Rep. Rolando Andaya Jr., na maaaprubahan ang panukala sa huli at ikatlong pagbasa ngayong linggong ito.

“Pero tingin ko itong two days na ito puwede naming gawin ‘yan,” sabi ni Andaya sa hiwalay na panayam ng Abante.

Maaari rin aniyang maglabas ng EO ang Palasyo kung hindi ito makakalusot sa ­Kongreso. (Aries Cano/Eileen Mencias)