Una sa Balita

Mga magsasaka, mangingisda ituring na frontline workers

0 413

Nanawagan ang mga minority senator sa Malacañang na ituring din na frontline workers ang mga magsasaka at mangingisda.

Ito ang panawagan nina Senador Francis Pangilinan, Leila de Lima, Franklin Drilon at Risa Hontiveros dahil mga health worker lang ang nabibigyan ng pansin ng gobyerno sa kinakaharap na krisis sa coronavirus outbreak disease.

“Upang maiwasan ang kakulangan sa pagkain, ang kagutuman, at kahit na ang pagnanakaw, naniniwala tayo na panahon na para ibaling din ang pansin sa iba pang mga taong nasa frontline na kritikal din sa ating pang-araw-araw na kaligtasan” ayon sa kanilang statement.

“Sila ang mga magsasaka at mangingisda na hindi nakakapagsaka, hindi nakakapangisda at hindi naibebenta ang kanilang naani at nahuli bunsod ng lockdown. Kung hindi sila kumikita sa kanilang inani, hindi na magtatanim ang mga magsasaka. Dahil hindi nila agad-agad naaani ang kanilang ipinunla, kinakailangang tuloy-tuloy ang pagtatanim ng mga magsasaka at ang pagkita sa pagsasaka.” dagdag pa nila.

Anila, mahalaga rin ang papel ng mga manggagawa sa sektor ng pag-manufacture ng pagkain, medisina, at kagamitang medikal na nag-o-order ng mga raw material sa kanilang mga supplier, nagpapatakbo ng kanilang operasyon, at nag-di-distribute ng kanilang produkto.

Sila anila ang pumuno ng laman ang mga sari-sari store, grocery, supermarket, botika, at ospital.

“Kaya ipinapanawagan natin sa pambansang pamahalaan na ituring ang ating mga manggagawa sa sektor ng pagkain, transportasyon, at logistics bilang mga anti-COVID front-liner din,”giit ng minority senators.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More