Una sa Balita

Mga Kwentong OFWs

By
0 5

Hiniling kahapon ng isang migrant rights group sa Department of Foreign Affairs (DFA) na magsagawa ng imbestigasyon sa kahina-hinalang pagkamatay ng domestic helper na umano’y nag-suicide sa Saudi Arabia.

Ayon sa tanggapan ng Blas F. Ople Policy Center, dalawang linggo pa lamang nagtatrabaho sa Saudi Arabia si Jennifer Ross Acuna-Reyes nang magpatihulog mula sa ika-pitong palapag na tirahan ng kanyang employer sa Jeddah noong Mayo 28.

Hiniling ni Susan Ople, pinuno ng migrant group, sa DFA at Embahada ng Pilipinas na nakabase sa Saudi Arabia na magsagawa ng imbestigasyon sa misteryosong pagkamatay ni Reyes dahil sa kumplikadong pahayag ng mga saksi, ng kanyang pamilya at ng kanyang employer.

Naniniwala ang mga magulang ng biktima na hindi nag-suicide ang kanilang anak.

Sa pahayag ni Chairmaine Aviquivil ng Office of Public Diplomacy Executive Director ng DFA, nagsasagawa na ng imbestigasyon ang mga abogado ng embahada hinggil sa insidente.

Kahina-hinala ang pagkamatay ni Reyes dahil nakausap pa niya ang asawa na si John Paul Reyes na nagtatrabaho sa hotel, apat na araw bago ang insidente.

Sinabi pa ng biktima na maayos ang kanyang kalagayan sa trabaho.

Ayon naman sa mga domestic helper na nagtatrabaho sa nasabing gusali, nakaamoy sila ng masangsang bago pa matagpuan ang labi ng biktima.

Sinabi naman ng ibang Pilipino na naninirahan malapit sa gusali, halos walang dugong nakita sa pinangyarihan ng insidente.

Nanawagan si Ople sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at sa Embahada ng Pilipinas na i-blacklist na ang employer ng biktima upang hindi na makapambiktima.

Samantala, nanawagan ang migrant group sa recruitment agency ng biktima na Sphinx Group Manpower Provider, Inc., na ibigay ang kinakaila­ngang tulong sa pamilya ni Acuna-Reyes upang maiuwi ang kanyang labi pati na ang mga benepisyo mula sa employer nito.

Kaagad na naipahatid ng Overseas Workers’ Welfare Administration (OWWA) ang kanilang tulong sa pamilya bukod pa ang mga benepisyong nararapat para sa mga iniwan ng OFW.