Una sa Balita

MGA KWENTONG OFWS: Tagumpay para kay Dalquez!

By
0 8

“Tagumpay ang paninindigan sa karapatang pantao.”

Ito ang pahayag kahapon ni Susan Ople ng Blas F. Ople Policy Center matapos mapawalang-sala ang isang overseas Filipino worker (OFW) mula sa United Arab Emirates kamakalawa.

Nauna nang pinawalang-sala ng Court of Appeals ng Al Ain ng UAE ang OFW na si Jennifer Dalquez sa huling pagdinig nitong nakaraang Hunyo 19, 2017.

Ayon kay Susan Ople, ang acquittal ni Dalquez ay isang tagumpay ng paninindigan ng karapatang pantao at napatunayan itong walang kasalanan.

“The universal principles of human rights should be included in all pre-departure and pre-employment seminars. This will help strengthen the resolve of distressed workers to stand up for their rights when the si­tuation calls for it,” pahayag pa ni Ople.

Pinanindigan ni Dalquez sa korte ang paulit-ulit niyang pahayag na inosente siya at hindi sinasadya ang pagpatay sa kanyang amo matapos siyang tangkaing gahasain nito.

Dahil din sa hindi nagsawang paggigiit ni Dalquez na ipaglaban ang kanyang karapatan, isang magandang inspirasyon ito sa ibang OFW na naging daan naman ng pagpabor ng korte kay Dalquez.

Si Dalquez ay hinatulan ng parusang bitay noong Mayo 20, 2015 matapos nitong mapatay ang kanyang employer na lalaki na si Mr. Alaryani dahil sa pagtatanggol ng kanyang sarili na naganap noong Disyembre 7, 2014 matapos pagtangkaang gahasain.

Bagama’t naabswelto si Dalquez sa kasong pagpatay, nahaharap pa siya sa isang kasong pagnanakaw.

Kaya’t dahil doon malabo pang makauwi ang OFW hanggat hindi nabubuno ang limang taong sentensiya kabilang na ang iginugol niya sa loob ng kulungan.