Una sa Balita

Mga Kwentong OFWs: Reklamo ng kasambahay ng envoy, tutugunan

By
0 141

Tutugunan ng pamahalaan partikular na ng pamu­nuan ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Blas Ople Policy Center ang naging reklamo ng isang kasambahay laban sa amo nitong ambassador sa New York.

Ayon kina DFA spokesperson Charles Jose at Susan Ople na nakarating na sa kanila ang sumbong ng biktima na nakilalang si Milagros Braza, kasambahay ni permanent Representative of the Philippines to the United Nations Lourdes ­Yparraguirre.

Nauna na rito humingi ng saklolo sa Blas Ople Policy Center ang biktima sa pamamagitan ng ­Facebook.

Sa kaniyang reklamo, sinabi ni Braza na dis-oras ng gabi o halos magsasalubong na ang bisperas ng Pasko noong taong 2015 nang palayasin siya sa ­bahay ni Ambassador Yparraguirre.

Ayon kay Braza, maghapon siyang napagod sa pagsisilbi kay Yparraguirre at pito nitong mga bisita noong bisperas ng Pasko at pagsapit ng dapithapon ay hiniling sana nito sa amo na sa isang transient house na muna siya tutuloy upang makapagpahinga at makatulog.

Ngunit hindi siya pinayagan at nagalit pa umano sa kanya si Yparraguirre binulyawan at pinagsalitaan umano siya ng masasakit na salita.

Pinag-impake nang ura-urada at pinaalis sa bahay kahit hatinggabi na.

Dahil dito tiniyak naman nina Ople at Jose na ­tutugunan nila ang reklamong ito bagaman ­mahalaga rin aniyang kuhanin ang panig dito ni Ambassador Yparraguire.

Hindi naman masabi sa ngayon nina Ople at Jose kung kinakailangan nang magpadala sila ng investigating team sa New York para sa isyung ito.

Anila, makikipag-ugnayan pa sila sa mga kinau­ukulan doon sa nasabing bansa upang maasikaso ang idinudulog na kaso ng kasambahay na nasabing ­ambassador.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy