Mga Kwentong OFWs: Proteksyon kontra pang-aabuso sa OFWs

By

Nagsanib pwersa nga­yon ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ang Department of Justice (DOJ) sa pagpapatupad ng proteksyon laban sa pang-aabuso ng mga nagbabantay sa mga anak ng overseas Filipino workers (OFWs) na naiwan sa bansa.

Naalarma ang gobyerno sa patuloy na pagdami ng kaso ng pang-aabuso ng mga nasabing biktima sa bansa.

Lumabas sa pag-aaral na ginawa ng Council for the Welfare of Children at United Nations International Children’s Fund (UNICEF) na ang migration ng mga magulang ang itinuturong pangunahing dahilan upang makaranas ng pang-aabusong pisikal, sekswal at psychological ang mga naiiwang anak.

Patunay dito na dalawa sa tatlong kabataan ang napatunayang nakakaranas ng pisikal na pang-aabuso.

Isa sa apat na kabataan naman ang nakakaranas ng pang-aabusong sekswal at tatlo sa limang kabataan naman ang nakararanas ng pang-aabuso mula sa kanilang mga kaibigan tulad ng bullying.

Matatandaan na isang anak ng OFW sa Hongkong, na tinatayang da­lawang taong gulang na batang lalaki ang namatay dahil sa pisikal na pang-aabusong natamo nito sa mga pinagkatiwalaang kamag-anak ng kaniyang ina.

Kaya naman napagpasyahan ng mga nabanggit na ahensya na magpatupad ng nararapat na batas upang maprotektahan ang mga kabataang anak ng mga OFWs.

Kahapon naganap ang pirmahan ng Memorandum of Understanding (MOU) sa Department of Labor and Employment (DOLE) Office sa Intramuros, Manila.

Pinaunlakan sina DOJ Secretary Vitaliano Aguirre II, DSWD Secretary Judy Taguiwalo ni Labor Secretary Silvestre Bello III na kakatawan sa OWWA.

Sa ilalim ng nasabing MOU ay ang Republic Act No. 7610, batas na nagbibigay ng proteksyon sa mga batang nakararanas o biktima ng pang-aabuso, exploitation at discrimination.


Kabilang din sa MOU ang Republic Act No. 9262, “Anti-Violence Against Women and Their Children” (VAWC).

Ang MOU na pinirmahan ng mga opisyales ay sumasang-ayon na ang bawat ahensya na nabanggit ay may kaukulang res­ponsibilidad na dapat gampanan.

Ang OWWA ay nasa ilalim ng DOLE at dapat magbigay ng orientation sa kanilang mga programa at serbisyo.

Dahil sa mga progra­mang isasagawa ay mapapabilis ang serbisyo para sa pagpapaigting ng kampanya laban sa pang-aabuso ng mga anak ng mga OFWs.

Responsibilidad ng ahensya na magkaroon ng regular na konsultasyon at monitoring ang mga anak na nakaranas ng pang-aabuso sa Family Welfare Officer para sa agarang klaripikasyon at resolusyon sa kanilang problemang kinahaharap.

Kapag napatunayan ang pang-aabuso, ang mga biktima ay dadalhin sa pa­ngangalaga ng OFW Fa­mily Circles (OFCs) at OFW Help Desks.

Habang nasa pangangalaga ay bibigyan ang mga biktima ng mga modules na inihanda ng DSWD.

Ayon sa DSWD, nararapat lang na sumailalim sa trainings at orientation ang mga OFW at ang kanilang mga pamilya.

Kaya’t ang panawagan ng mga nasabing ahensya na kung sinuman ang nakararanas ng pang-aabuso ay agad lumapit sa ahensya ng DSWD, DOJ o alinmang alagad ng batas.

Ang DOJ naman ay responsable sa pag-iim­bestiga ng pang-aabuso at exploitation ng mga kabataan.

Ihahanda ng ahensya ang mga legal advice at assistance para sa mga biktima.

Ang pag-iimbestiga at pagsasaayos ng kaso sa korte, gagawin itong child and gender sensitive, dahil ito ay nakasaad sa DOJ-CSPC Protocol for the Child Victims of Abuse, Neglected and Exploitation.

Susubukan ng DOJ na lutasin ang kaso sa bilis ng kanilang makakaya. Ito ay magagampanan sa tulong ng OWWA, DSWD, LGU at POEA.

Ang responsibilidad na naitala sa mga nasabing ahensya ay nasa ilalim ng Executive Order No. 221 at Executive Order No. 1.

“The bolt in of the three government agencies, DOJ, DSWD, and OWWA, to bolster the well-being of the children of OFW’s serves as a balancing act between the desire of OFW and parents to provide the needs of their children by working abroad on one hand, and to ensure that their children are in the ‘safe hands’ of the people they have chosen to look after the well-being of their loved-ones. Hopefully, thru this MOU among our partners, we will be able to realize a zero-victim/casualty of any form of abuse to children of OFW’s. After all, we do now wish to see a double-whammy situation; an absent parent and an abused child.” Pahayag ni OWWA Administrator Hans Leo Cacdac.


SHARE