Una sa Balita

Mga Kwentong OFWs: Placement agency papanagutin

0 85

Matapos na ikulong ng halos isang buwan sa kanilang quarters, sa wakas  ay nakauwi na sa bansa ang sampung mga kababaihang overseas Filipino workers (OFW) na nagtrabaho sa King Fajad Specialist Hospital kamakalawa ng gabi sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), Terminal 1 sa Pasay City.

Dakong alas-nuwebe ng gabi nang dumating sa NAIA Terminal 1 ang sampung Pinay workers kung saan sinalubong sila ng mga tauhan ng Overseas Welfare Workers Administration (OWWA).

Ayon kay Yolanda Peñaranda, hepe ng Repatriation Division ng OWWA, ang nasabing mga Pinay ay halos isang buwan ikinulong sa loob ng kanilang  kuwarto matapos ireklamo ng mga ito ang Sraco Company na kumuha sa kanila  na hindi nagpapasuweldo sa kanila ng tama.

Ayon kay Mercy Giron, isa sa sampung OFW, noong nakaraang buwan ay nagsadya sila sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Alcobar upang ireklamo ang kanilang kompanya gayundin ang Ozim Placement Agency na may tanggapan sa Malate Manila.

Ngunit nang malaman umano ng Sraco company at ang counterpart na agency na Ozim ay tinakot sila.

Habang nasa POLO sila ay mayroong duma­ting na nga mga tauhan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na tumulong sa kanila at binigyan sila ng pansamantalang tirahan.

Ngunit hindi pa sila nakakatagal sa kanilang tinirahan ay kinuha muli sila ng Sraco agency na nasa Damman na sinasabing kakausapin umano sila.

Ngunit ikinulong sila sa isang quarters nang halos isang buwan.

Sinabi pa ni Giron na umaabot sa P25,000 ang placement fee na ibinayad nila sa Ozim Placement Agency sa Pilipinas.

Ayon pa kay Joan Cruz, nasa hustong gulang, nagreklamo sila dahil sa  matinding hirap na dinanas sa Dammam at hihingiin nila ang karapat-dapat na kompensasyon na para sa kanila.

“Halos sampung buwan po kami nagtiis sa sweldong patingi-tingi at kulang na kulang po ang sinusuweldo namin dahil binabawasan ng kompanyang kumuha sa amin” ani ni Cruz.

Aniya nasa halagang 700 Saudi Riyal ang kanilang sinusuweldo subalit sa kanilang kontratang pinirmahan ay 1,500 Saudi Riyal.

“Hindi po nasunod ‘yung pinirmahan na­ming kontrata, tapos sa 700 saudi Riyal na suweldo namin ay binabawasan pa ng agency” dagdag pa nito.

Hanggang sa kinompronta nila Cruz at Giron ang kompanyang Sraco kung bakit ganun na lamang kaliit ang kanilang sinusuweldo at makailang ulit pa silang tinatanong, ngunit ipinagpapabukas lagi sila kaya sa ika-siyam na buwan nilang pagtatrabaho hindi na sila nakatiis at nagkaisa silang sampu na magsumbong at magharap ng reklamo sa POLO laban sa kanilang kompanya at sa agency.

At dito na sila nakatanggap ng pananakot mula sa kompanya at sa counterpart ng agency nila dito sa Pinas.

Dahil sa tulong ng POLO-OWWA sa Alcobar ay napauwi ang 10 Pinay na nagtrabaho sa nasabing pagamutan sa ilalim ng Sraco Company.

Sinabi naman ni ­Peñaranda na tutulungan ng OWWA ang sampung OFW sa kanilang reklamo.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy