MGA KWENTONG OFWS: Benepisyo ng napatay na OFW naibigay na ng DOLE

By

Naipagkaloob na ng Department of Labor and Employment (DOLE)-Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang cash benefits na nagkakahalaga ng P235,000.00 bilang tulong sa pamilya ng isang overseas Filipino worker (OFW) na pinatay sa isang bar sa Quezon City ng 10 mag-aaral sa kolehiyo noong Marso 4, 2017.

Iniutos ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III kay OWWA Administrator Hans Leo Cacdac na padaliin at agad iproseso ang pagpapalabas ng tulong sa pamilya ng biktimang OFW na si Abigail Gino Espina Basas.

“Ang DOLE at OWWA ay nagpapaabot ng pakikiramay sa pamilya ni Mr. Basas. Tinitiyak namin sa kanila ang tulong ng gobyerno habang pinabibilis ang pag-release ng mga benepisyo para sa pamilya ng naulila,” sabi ni Bello.

Si OFW Basas, 28-taong gulang, ay nagtatrabaho bilang isang photographer sa isang cruise ship sa Australia ay dumating sa Pilipinas noong nakaraang buwan para magbakasyon at nakatakdang bumalik agad sa kanyang trabaho sa ibang bansa.

Sinabi ni Cacdac na bilang isang aktibong miyembro ng OWWA, ang pamilya ni Basas ay makatatanggap ng full coverage ng mga programa at serbisyo ng ahensya, kasama na ang P200,000.00 insurance benefits; P20,000.00 para sa pagpapalibing; pati na rin ang scholarship na nakapaloob sa Education and Livelihood Assistance Program (ELAP) para sa kanyang kapatid, babae o lalaki, na may edad na 21 taong gulang pababa; at bilang isang binata, P15,000.00 para sa kanyang mga magulang.

Matatandaan na ang insidente ay naganap noong nakalipas na araw ng Sabado, Marso 4, 2017, sa loob ng Perfect Spot Bar and Billiards sa Quezon City.

Si Basas ay magdiriwang sana ng kanyang ika-29 taon ng kapanganakan ngayong Abril 2.

Samantala, ang OWWA office ngayon ay nakikipag-ugnayan sa pamilya ni Basas upang ipaalam sa kanila ang mga benepisyo na kanilang matatanggap at pag-usapan ang iba pang tulong ng maibibigay ng labor department sa pamamagitan ng OWWA.


SHARE